STF Degamo: Kaso malapit nang maresolba

STF Degamo: Kaso malapit nang maresolba

March 12, 2023 @ 8:55 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Philippine National Police nitong Sabado ang paglikha ng isang special task force (STF) para tugisin ang mga natitirang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Pinauna na ng STF Degamo ang anunsyong malapit nang maresolba ang kaso.

Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nagsagawa ng pagpupulong si “STF Degamo” noong Sabado ng hapon.

Si DILG Secretary Benhur Abalos ay itinalaga bilang chairperson, kasama sina Justice Secretary Crispin Remulla, at Defense Secretary Carlito Galvez Jr. bilang co-vice chairpersons. Itinalaga rin bilang task force commanders si PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., AFP chief General Andres Centino, at NBI Director Medardo de Lemos.

Dagdag pa, sinabi ni Fajardo na ang PNP at AFP ay nagsasagawa ng pursuit operations upang mahuli ang mga natitirang suspek, at inaayos ng NBI ang mga legal na dokumento kaugnay sa mga isiniwalat ng apat na naarestong suspek.

Aniya pa na naniniwala ang task force na “malapit na sila sa solusyon ng kaso” dahil sa mga nakalap na ebidensya.

“With the pieces of evidence at hand po, naniniwala ang STF that we are nearing the solution of this case. We are just finalizing some of the evidence at hand kasama na po yung mga material revelation at pieces of evidence including po mga forensic evidence collected by the forensic group of PNP. The STF is really confident that in the coming days we can unmask already the people behind these heinous crimes,” ani Fajardo.

“Yung mga suspect na nagbigay ng material information regarding sa iba pa po na we are still accounting for more or less six to seven persons kasama yung five pa na actually participated doon sa nangyari pamamaril kay Governor Degamo at ilang biktima including yung possible masterminds sa kaso na ito,” aniya pa. RNT