Stone papalitan ng San Miguel

Stone papalitan ng San Miguel

October 17, 2022 @ 7:41 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaasahan ang pagbabalik ni Thomas Robinson para sa San Miguel Beermen matapos matambakan ng Bay Area Dragons ang koponan sa kanilang laban nitong Linggo.

Ito ang ibinunyag ni head coach Leo Austria na nakikipag-ugnayan pa rin si Robinson sa koponan kahit na bumalik sa US ang orihinal na import choice ng Beermen para sa PBA Commissioner’s Cup matapos magtamo ng injury sa kanyang likod.

Ayon sa SMB, pinananatili nilang bukas ang pinto ng koponan para kay Robinson sa pamamagitan ng paglalagay sa kanya sa listahan ng reserba, sa halip na palayain siya.

“Nagpadala siya ng video, nagwo-work out siya and he is trying his best na makabalik dito. Gusto niyang makipaglaro sa amin. Unfortunately, hindi nangyari ‘yun,” ani Austria.

Gayunpaman, tumanggi si Austria na magdetalye kung papalitan ng San Miguel ang Diamond Stone, na siyang kapalit ni Robinson.

“Puwedeng si Robinson. Puwedeng hindi siya. Puwedeng si Diamond,” ani Austria.

Ang posibleng pagbabalik ni Robinson, isang draft pick sa Sacramento noong 2012 na naglaro sa NBA sa loob ng limang taon, ay dapat na maging pampalakas para sa San Miguel, na ngayon ay naglalaro na wala si June Mar Fajardo matapos siyang magtamo ng injury sa kanyang lalamunan.

Nahirapan si Stone laban sa Bay Area kung saan wala si Fajardo nang may 11 puntos at 14 rebounds. Naka-shoot din siya ng 5-of-18 mula sa field.

“Comparable sa mga best imports ngayon,” ani  Austria sa paglalarawan kay Robinson.

Magkakaro ang San Miguel ng sapat na oras upang maghanda para sa susunod na laro dahil ang Beermen’s ay hindi na makakakita ng aksyon hanggang Biyernes laban sa Converge.JC