Street dance, float parade muling masisilayan sa Panagbenga 2023

Street dance, float parade muling masisilayan sa Panagbenga 2023

December 13, 2022 @ 8:47 AM 2 months ago


BAGUIO CITY- WALA nang makapagpigil na masaksihan muli ang pamumukadkad ng mga kaakit-akit na bulaklak sa lansangan sa nakatakdang pagbubukas ng taunang Panagbenga Festival, makalipas ang dalawang taon na pamamahinga.

Sa pangunguna ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, pormal na inilunsad kahapon (Lunes) ng lokal na pamahalaan ng lungsod na ito at ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc., ang mga nakalinyang aktibidad para sa 2023 Panagbenga Festival.

Aniya, ang lahat ng tampok ng Panagbenga Festival sa 2019 ay ipapakita sa 2023 Panagbenga Festival.

Kabilang sa mga pagdiriwang sa mga nakaraang taon ang street dancing at isang grand float parade.

Ang Panagbenga ay isang taunang pagdiriwang ng bulaklak na ipinagdiriwang tuwing Pebrero sa Baguio City, na nagpapakita ng mga produkto at talento ng mga lokal na komunidad.

Nagsimula ito noong 1995 at nasuspinde noong 2020 dahil sa mga paghihigpit sa kalusugan na dulot ng pandemya.

At sa muling unang pagkakataon ng pagbubukas maranasan ang full blast festival na kinasasabikan ng lahat.

Inaasahan rin ng lokal na pamahalaan na dagsain ng turista ang selebrasyon,“ Sa palagay namin ay maaaring mangyari ang nangyari sa South Korea, iyon ang dahilan kung bakit kailangan talaga naming maghanda at gumawa ng sarili naming contingency plans para masigurado na ligtas ang aming mga tao, at mga bisita,” ani alkalde.

“Ang Panagbenga ay isang pagkakataon para sa mga taga-Baguio na magsama-sama anuman ang iyong tribo – upang madama na ikaw ay miyembro ng pamilya ng Baguio, obligadong magtrabaho at makipagtulungan sa isa’t isa para sa ikabubuti at pag-unlad ng ating lungsod,” dagdag pa ni Magalong.

Magsisimula ang pagdiriwang sa Pebrero 1 hanggang Marso 5, 2022.

Sinabi ng alkalde, na wala ng makapagpigil pa sa naturang selebrasyon sa kabila ng banta ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa iba’t ibang sub-variant.

Ayon kay Baguio City Health Officer Rowena Galpo, noong Nobyembre 18, nakapagtala sila ng pagtaas sa COVID-19 positivity rate ng lungsod sa 26.24% mula sa 18.57% sa nakaraang dalawang linggo.

Pero nitong buwan ay bumaba ang positivity rate sa nakalipas na dalawang linggo mula 21.88% hanggang 17%.

Pinayuhan ng alkalde ang publiko na kailangan matutunan kung paano mamuhay sa mga virus at dobleng pag-iingat pa rin at panatilihin maging malinis sa lahat ng bagay.

Inaasahan rin ng lungsod na makaranas ng pagtaas ng mga kaso ng trangkaso./Mary Anne Sapico