Street parties, inuman sa Sinulog bawal – Rama

Street parties, inuman sa Sinulog bawal – Rama

January 9, 2023 @ 4:54 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi papayagan ng lokal na pamahalaan ng Cebu City ang street parties at inuman sa pampublikong lugar malapit sa pagdarausan ng aktibidad kasabay ng pagdiriwang ng Sinulog 2023 sa Enero 15.

Ito ang nakasaad sa direktibang inilabas ni Mayor Michael Rama Linggo ng gabi, Enero 8 kung saan ang pagbabawal sa inuman o liquor ban ay upang masiguro ang ligtas na selebrasyon ng Pista sa bagong lokasyon malayo sa pangkaraniwang venue ng Sinulog na nasa downtown area.

Ngayong taon kasi, ang mga kaganapan sa Sinulog ay gagawin sa South Road Properties (SRP).

Inatasan na ni Rama ang Cebu City police na pangungunahan ni Col. Ireneo Dalogdog na parusahan ang mga lalabag sa naturang direktiba kabilang na ang mga manggugulo sa Sinulog Festival.

“What we are considering here is that street parties and drinking in public may cause disorder at the Sinulog route. It’s not that we want to ban liquor. Specifically, what has been banned is the unruliness alcohol may cause,” sinabi naman ng sekretarya ni Rama na si Atty. Collin Rossel.

Nilinaw niya na ang ban sa mga nakalalasing na inumin ay bawal lamang sa mismong ruta ng selebrasyon ngunit pinapayagan naman ang pag-inom sa labas ng SRP.

Pinapayagan din aniya ang mga alak sa loob ng hotel at casino kahit pa ang mga ito ay nasa Sinulog route.

Ang SRP ay kilalang lugar kung saan matatagpuan ang iba’t ibang mga kainan, hotel at casino. RNT/JGC