Street party sa Cebu City, ipinagbawal

Street party sa Cebu City, ipinagbawal

January 9, 2023 @ 9:34 AM 3 weeks ago


CEBU CITY- Mahigpit na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Cebu ang pagsagawa ng mga street party sa pagdiriwang ng Fiesta Señor 2023 at One Cebu Island Sinulog.

Ito’y matapos lagdaan ni Cebu City Mayor Michael Rama, kahapon (Enero 8) ang walong pahinang direktiba na nagsasaad na pagbabawal ng mga street party sa buong lungsod.

Nakasaad din sa kautusan ng alkalde ang pamimigay ng alak o pag-inom sa loob ng ruta ng Sinulog Grand Parade sa South Road Properties (SRP).

Iniuutos din ng direktiba ang mahigpit na pagsunod at pagpapatupad ng disiplina para sa Sinulog at iba pang makabuluhang aktibidad sa Cebu City.

Maging ang paggamit ng face mask, maliban sa mga high-risk na lugar o lugar tulad ng mga pasilidad sa pangangalagang pangkalusugan at mga sasakyang pang-medikal na transportasyon at iba pa.

Nakalagay din sa kautusan ang gun ban simula Enero 7 hanggang Enero 21, 2023.

Ipinagbabawal din ang pagdadala ng mga backpack at malaking bag sa mga pangunahing aktibidad ng Sinulog, lalo na sa mga prusisyon at parada.

Samantala, hinimok naman ni Police Colonel Ireneo Dalogdog, hepe ng Cebu City Police Office (CCPO), ang publiko na mga sumasama sa mga aktibidad ng Sinulog na hangga’t maari ay huwag uminom ng alak para maiwasan ang gulo.

Binalaan din ni Dalogdog, sa sinoman gagawa ng gulo ay mananagot sa batas.

Sinabi pa nito, na magkaroon ng pag-uusap ang mga local government units sa desisyon kung magkakaroon o wala ng signal jamming para sa grand parade. Mary Anne Sapico