Street sweeper, magsasaka jackpot ng tig-P100M sa lotto

Street sweeper, magsasaka jackpot ng tig-P100M sa lotto

July 6, 2022 @ 9:50 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Wagi ang isang street sweeper mula sa Malabon City at isang magsasaka mula sa Quezon province ng mahigit P100 milyong lotto jackpot prize sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ang babaeng street sweeper, na ang pagkakakilanlan ay nananatiling anonymous sa publiko, ay nanalo ng P103,269,281.60 sa Mega Lotto 6/45 draw noong Hunyo 17, na may winning combination na 10-12-02-27-03-18.

“Una po, akala ko lima lang ang aking tinamaan, inulit kong tingnan kinabukasan at doon ko nakita lahat pala ng numero ay tinamaan ko,” sabi ng nanalo sa ulat na ipinost sa PCSO website noong Hulyo 4.

“Hanggang ngayon po, hindi ako makapaniwala, umiyak po ako ng sobra-sobra. Salamat sa taas at salamat sa PCSO,” anang street sweeper.

Samantala, isang 29-anyos na lalaking magsasaka mula sa General Luna, Quezon ang nag-claim ng kanyang Ultra Lotto 6/58 jackpot prize na P100,064,568.00 na may winning combination na 20-22-09-54-06-19.

Ito ay ibinola noong Mayo 24 at siya ang nag-iisang nagwagi ng premyo.

Ang kanyang pagkakakilanlan ay pinananatiling anonymous din sa publiko.

“Ang swerte minsan, hindi natin aakalain kung kailan darating. Ang tanging magagawa na lang natin ay patuloy na sumubok at maniwala. Patuloy lang tayong manalig sa Panginoon.” RNT