STUDE PATAY SA AKSIDENTE, STUDENT COUNCIL NANAWAGAN

STUDE PATAY SA AKSIDENTE, STUDENT COUNCIL NANAWAGAN

January 26, 2023 @ 1:43 PM 2 months ago


ISANG malungkot na balita ang naganap sa Cavite State University sa main campus nito sa Indang, Cavite noong Enero 23 taong kasalukuyan kung saan isang estudyante ang nasawi habang apat pa ang nasugatan.

Base sa ulat na naitala sa Indang Municipal Police Station, iniwang nakaparada ng driver ang isang puting Elf truck malapit sa outpost ng gate ng Saluysoy Resort na mismong nasa loob ng CvSU.

Bigla na lang umano umandar (gumulong pababa) ang nasabing sasakyan bagaman walang taong nakaupo sa harap ng manibela nito. Bagaman marami ang nakapansin sa paggalaw ng sasakyan ay walang nakagalaw upang pigilan ito.

Sa malas, nahagip ng trak ang umpukan ng mga estudayante na noon ay pawang nagpapahinga at nagre-review para sa kanilang exams sa linggong ito.

Dead on the spot ang isang babaeng freshman college nang maipit sa pagitan ng elf truck at puno. Sinasabing taga-Trece Martires City, Cavite ang biktima.

Tatlong kaklaseng babae naman ng nasawi at isang lalaki na estudyante rin ng nasabing paaralan ang sugatan kaya’t kaagad na isinugod sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City ng Indang Rescue Team (Indang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ).
Aminado ang driver ng sasakyan na taga-Indang, Cavite na nakalimutan niyang i-hand brake ang trak. Nasa kostudiya ng pulis ang driver.

Kaugnay naman ng balita, nanawagan ang Central Student Government ng CvSU Main Campus sa mga estudyante at mga nakiusyoso na huwag mag-post sa social media ng mga larawan ng pangyayari bilang respeto sa biktima at sa pamilya nito na nasa kalagitnaan ngayon ng pagdadalamhati.

Ipinanawagan na rin ng CSG sa CvSU Administration na kung maari ay suspendihin na lang muna ang nakatakdang fiinals examinations sa linggong ito dahil sa pangyayari.

Para naman sa mga estudyante na nakasaksi sa pangyayari na dumaraan sa takot at lungkot, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan at lumapit sa University Guidance Counselor upang matulungang mapayuhan upang maiwasan ang pagkakaroon ng trauma o iba pang posibleng magbigay sa kanilang ng alalahanin.