Student discount sa Beep card, online tickets isinusulong

Student discount sa Beep card, online tickets isinusulong

October 16, 2022 @ 8:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isinusulong ni Isabela 6th District Representative Inno Dy ang pagkakaloob ng 20% student fare discount kapag bibili ang mga ito ng ticket sa mga pampublikong sasakyan online o magpapaload ng Beep card.

Sa inihain ni Dy na House Bill No. 1142 ang “Student Fare Discount Act of 2022”, layon nitong amyendahan ang Section 5 ng Republic Act No. 11314 na nagmamandatong magbigay ng student fare discount sa mga pampublikong transportasyon.

Ang kasalukuyang bersyon ng batas ay kinakailangan munang magpakita ng estudyante ng kanyang school identification card kapag bibili ng ticket o maglo-load ng Beep card na hindi magagawa kung ang gagamiting pamamaraan ng estudyante ay sa pamamagitan ng pagbili online.

“This is an exception that doesn’t make sense, and disincentivizes the use of technology when in fact, we must push for its more widespread adoption,” ani Dy.

“Sa kabila ng pagtaas ng pamasahe, kailangan masiguro natin na napapakinabangan ang mga discount sa lahat ng pagkakataon. This is why mandated discounts should also be applied to tickets that are bought online,” dagdag pa niya.

Kung maipapasa, sa bagong amyenda ay kakailanganin pa rin ng estudyante na magpakita ng ID card o current valid enrollment form ang mga ito kung bibili ng ticket online.

Malaking tulong umano ito sa mga estudyante lalo na at nagkaroon kamakailan ng panibagong taas-presyo sa mga pamasahe sa pampublikong sasakyan. RNT/JGC