Student groups sa Senado: Pagpili ng studes sa volunteer work kaysa ROTC, suportahan

Student groups sa Senado: Pagpili ng studes sa volunteer work kaysa ROTC, suportahan

February 7, 2023 @ 3:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ng student groups nitong Lunes ang mga senador na suportahan ang mga mag-aaral na nais magsanay para sa disaster response o sumali sa volunteer work sa halip na pilitin silang sumailalim sa military training.

Sa Senate hearing, kinondena ng student groups ang panukala na gawing mandatoryo ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) para sa college students.

Sinabi niStudent Council Alliance of the Philippines chairperson Ken Paolo Gilo na dapat bigyan ng pamahalaan ang mga estudyante ng kalayaan na mamili kung paano nila ihahayag ang kanilang nasyonalismo.

“Walang nag-iisang anyo ng pagmamahal, walang nag-iisang anyo ng nasyonalismo. Hayaan po natin na mahalin ng kabataan ang inang bayan sa kung paano nila gustong ipakita ito,” aniya.

“Ang gustong mag-military reserve, suportahan natin sila. Pero suportahan din natin ‘yung gustong mag-volunteer work, disaster response,” dagdag niya.

Sa ilalim ng National Service Training Program Act of 2001, mayroong tatlong NSTP programs: ROTC, Civic Welfare Training Service (CWTS), at Literary Training Service (LTS).

Sa ilalim ng CWTS, tinuturuan ang mga estudyante na magsagawa ng community service. Samantala, tungkol naman ang LTS sa pagtuturo sa out-of-school youth na magbasa, magsulat at magbilang.

Batay sa datos mula sa Commission on Higher Education (CHED), 20% lamang ng college students ang pumipili ng ROTC habang 70% ang pumipili sa CWTS. LTS naman ang pinipili ang 10%.

Sinabi ni Department of National Defense (DND) officer-in-charge Carlito Galvez Jr. na hindi umano epektibo ang NSTP program sa pag-develop sa “sense of nationalism” ng mga kabataan.

“Napakatagal na natin na 21 years na ‘yung NSTP natin, hindi natin nakita ‘yung development sa youth ngayon na tinatawag nating sense of nationalism, self-service at ‘yung tinatawag nating commitment to serve our country,” aniya.

Sinang-ayunan naman ito ni CHED Chairman Popoy de Vera, at sinabing may mga problemang dapat ayusin sa NSTP.

Base sa initial estimate ng DND, posibleng mangailangan ang full implementation ng mandatory ROTC ng ₱20 bilyong pondo. RNT/SA