Studes na nagpadala ng bomb threat sa isang paaralan sa QC nadakip

Studes na nagpadala ng bomb threat sa isang paaralan sa QC nadakip

January 27, 2023 @ 8:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniharap ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Nicolas Torre III, ang estudyante na nagpadala ng ‘bomb threat’ sa pamamagitan ng social media sa kaniyang pinapasukang Ponciano Bernardo High School sa Quezon City, kahapon.

Kinilala ni Cubao Police Station 7 station commander, PLt. Col. Joseph Euje Almaquer ang nadakip na suspek na si Elfrank Emil Anthony Bacle Kadusale, 22 anyos, Grade 8 student ng Alterntive Learning System (ALS) at residente ng Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Q.C.

Sa pamamagitan ng QCPD Anti-Cybercrime Team (QCACT), natunton ang pinagmulan ng bomb threat sa FB page messenger ng Ponciano Bernardo High School noong Enero 26, mula sa account ng isang Bob Key Ser Panganiban.

Nang komprontahin ito ng mga guro, itinanggi ng may-ari ng account na siya ang nagpadala ng mensahe at saka niya naalala na nalimutan niya noong mag log-out sa kaniyang FB account nang hiramin umano ni Kadusale ang kaniyang cellphone.

Nang isailalim na sa pagtatanong ng QCPD ang suspek, sinabi nito na “joke” o isang pagbibiro lang ang kaniyang ginawa.

“Our QCPD Anti-Cybercrime Group is equipped with state-of-the-art technology and we will track down anyone behind these bomb scares that could cause disruption and danger to our communities,” babala ni QCPD Director PBGen. Nicolas Torre III.

“I warned the public to refrain from posting or making bomb jokes dahil ito ay may karampatang kaparusahan. Maging leksyon sana ito sa ating kababayan na iwasan ang ganitong bagay dahil wala naman itong madudulot na maganda bagkus ay magiging dahilan pa ito ng kaguluhan sa ating mamamayan,” dagdag pa ng heneral.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa P.D. 1727 o Anti-Bomb Joke Law na may kaugnayan sa Section 6 ng R.A. 10175 o Anti-Cyber Crime Law at Robbery Extortion, dahil sa panghihingi umano ng halagang P100,000 para hindi ituloy ang pagpapasabog sa paaralan.

Una dito binalaan ni QC Mayor Joy Belmonte ang mga naglalabas o nagpapakalat ng mga false bomb threat kasunod ng pagkagambala kamakailan ng mga klase sa New Era Elementary School, Emilio Jacinto High School, San Francisco High School at Ponciano Bernardo High School.

“We will go after those who spread false information or pranks about bomb threats. Our schools are supposed to be a safe place for our students, and we will not take these pranks and threats lightly,” ayon kay Belmonte sa ginanap na consultation meeting sa pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD).

Nanawagan din ang alkalde sa Konseho ng Lungsod na gumawa ng ordinansang nagsasaad ng mas mabibigat na parusa o multa sa sinumang magpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga bomba o pampasabog. Jan Sinocruz