Suarez group tantanan na ang pag-angkin sa minorya -Rep Erice

Suarez group tantanan na ang pag-angkin sa minorya -Rep Erice

August 2, 2018 @ 1:25 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Sa ngalan ng delikadesa, dapat nang tantanan ni Quezon Rep. Danilo Suarez na maging lider muli ng Minorya ng Kamara.

Ito ang iginiit ni Caloocan Rep Edgar Erice sa harap na rin ng hindi pa nareresolbang agawan sa pwesto ng pagiging Minorya sa Kamara matapos ang pagpapatalsik kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ani Erice, malinaw naman na hindi magagampanan ni Suarez ang pagiging Minority Leader dahil supporter ito ni bagong House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, bukod sa malinaw na lalabagin ang kanilang House Rules na nagtatakda na ang hindi bumoto pabor sa nakaupong House Speaker ang dapat na hirangin Minorya at dahil bumoto si Suarez kay Arroyo ay awtomatiko itong lilipat sa grupo ng Majority.

“Malinaw naman na wala na siyang karapatan, kaya sana naman ay tantanan na niya itong isyu na ito,” pahayag ni Erice.

Sa Lunes ay itutuloy ng mga mambabatas ang debate sa plenaryo kung sino ang karapat-dapat na tumayong Minority Bloc at Minority Leader, sinabi ni House Majority Leader Rolando Andaya na inaasahan nilang sa susunod na Linggo ay kanila na itong mareresolba.

Hands-off naman si Arroyo sa nangyayaring leadership row sa Minority Bloc, sinabi ni Andaya na mas nais ni Ginang Arroyo na hindi magkomento sa isyu at hayaan na resolbahin ito ng mga mambabatas at bigyan sila ng sapat na panahon para makapag-usap at makagawa ng consensus.

Tatlong paksyon ang naglalaban bilang Minorya ng Kamara, ang grupo ni Alvarez na si dating Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, ang pambato bilang Minority Leader;Liberal Party-Makabayan Bloc group na si  Marikina Rep at Deputy Speaker Miro Quimbo ang tatayong lider; at ang incumbent na Minority Floor Leader na si Suarez.  Gail Mendoza