Sub-contracting, ipinatitigil ni Tulfo sa DPWH: Public works nagiging ampaw

Sub-contracting, ipinatitigil ni Tulfo sa DPWH: Public works nagiging ampaw

October 13, 2022 @ 7:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ipinatitigil ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kalakaran sa sub-contracting ng infrastructure projects na kadalasang nagreresulta sa substandard na kalsada o ampaw na nagiging sanhi ng aksidente.

Sa kanyang pagtatanong sa ginanap na budget hearing ng Senate committee on finance na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara, sinabi ni Tulfo na inililipat ang proyekto ng principal contractor na nanalong bidder sa isang mas maliliit na contractor na kulang sa kakayahang pinansiyal at teknikal.

Ilang kaso, naalala ni Tulfo, ililipat muli ng sub-contractor ang proyekto sa isa pang mas maliit na sub-contractor. Sa katunayan, ang budget na magagamit para sa ikatlong contractor ay mas maliit at hindi na sapat upang makagawa ng de-kalidad na proyekto.

“Kung sino po ang nag-bid, yun lang po talaga dapat ang gumawa ng trabaho. Para naman panalo rito ang taumbayan, para ang mga kalsada natin ay maayos at kumapal-kapal naman,” saad ni Tulfo.

Hiniling din ni Tulfo kay Public Works Secretary Manuel Bonoan na tiyaking walang masisimulan na proyekto sa kalsada kung wala pang sapat na pondo para dito upang maiwasan ang perwisyo sa motorista.

Kasabay nito, sinabi ni Tulfo na dapat obligahin ng DPWH ang lahat contractors na magkaroon ng liability insurance para sa anumang aksidenteng ng manggagawa o motorista.

Sinabi ni Tulfo na ang halaga ng coverage ng nasabing liability insurance ay dapat na hindi bababa sa P1 milyon bawat proyekto.

“Base sa aking karanasan, maraming beses na pong nangyari na ang mga trabahador ay nadidisgrasya habang gumagawa ng kalsada – naputulan ng kamay o di kaya ay naipit ang paa ng heavy equipment, at mayroon ding mga motorista na nahulog sa kanal na hindi pa natakpan. May mga ibang biktima naman na namatay po.

“And yet, hindi po nababayaran. Pahirapan, paiyakan. Dadaan sa barangay, dadaan kay Mayor, dadaan sa DPWH, pero wala pong nangyayari. In some cases, ako na po ang nag-s-shoulder ng amount dahil malalaman ko na walang insurance,” ani Tulfo.

Kinwento ni Tulfo, na host din ng “Wanted sa Radyo,” na mayroong isang pagkakataon kung saan inobliga niya ang isang contractor na bayaran ang gastos sa pagkamatay ng kanilang manggagawa, ngunit sa kanyang pagkadismaya ay nag-alok lamang ang kontraktor na magbayad ng P20K.

“P20K ang i-ooffer sa buhay ng isang taong namatay dahil sa kanilang kapabayaan? Murang mura naman ‘yon, kasing mura ng sobrang nipis na kalsadang ginawa nila,” ani Tulfo.

Malugod na tinaggap ni Bonoan ang mungkahi ni Tulfo, at sinabing titingnan nila ang mga paraan upang maisama ang nasabing P1M liability insurance sa kasalukuyang polisiya. Ernie Reyes