Subpoena naisilbi na kay Bantag – prosecutor

Subpoena naisilbi na kay Bantag – prosecutor

November 15, 2022 @ 3:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Itinuturing na naisilbi na ang subpoena kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag nitong Martes kaugnay ng kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid, ayon sa prosecutor.

“The subpoena was served to the last known address of [suspended BuCor director general] Bantag in Caloocan,” pahayag ni senior assistant state prosecutor Charlie Guhit.

“Per information received, the barangay captain told the process server that DG Bantag is not anymore staying in Caloocan after his appointment in BuCor,” dagdag niya.

Iginiit ni Guhit na ang subpoena laban kay Bantag, na itinuturong mastermind sa pagpatay kay Lapid, ay maituturing na naisilbi na dahil ang ibinigay lamang ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police (PNP) na address ni Bantag ay sa Caloocan.

Ayon sa kanya, wala siyang impormasyon kung saan kasalukuyang nananatili si Bantag sa Baguio City.

“The NBI and PNP should inform the panel of prosecutors by way of manifestation or appropriate pleading about the new address of DG Bantag before we issue another subpoena to DG Bantag,” pahayag ni Guhit.

Kinasuhan ng murder sina Bantag, BuCor Senior Superintendent Ricardo Zulueta, at iba pa sa pagpatay kay Lapid at umano’y middleman sa krimen, na kinilalang si New Bilibid Prison inmate Cristito Villamor Palaña o Jun Villamor.

Mariing itinanggi ni Bantag ang pagkakasangkot sa pagpaslang.

Base kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, nakatakda ang hearing sa Nobyembre 23, Miyerkules, alas-9 ng umaga at Disyembre 5, Lunes, ala-1 ng hapon.

Sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na halos 11 respondents ang makatatanggap ng subpoena. RNT/SA