Subpoena ni Bantag sa Lapid case tinanggap ng abogado

Subpoena ni Bantag sa Lapid case tinanggap ng abogado

November 21, 2022 @ 2:18 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinanggap na ng kampo ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang subpoena laban sa kanya patungkol sa pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid at ng itinuturong middleman na si Jun Villamor.

Si Atty. Rocky Balisong, abogado ni Bantag, ang tumanggap ng naturang subpoena sa Department of Justice (DOJ).

“Nakita naman natin, ni-receive na namin ang subpoena. ‘Yung subpoena for our client, General Gerald Bantag,” ani Balisong sa ambush interview.

Matatandaan na si Bantag ang itinurong isa sa mga utak ng pagpatay kay Lapid at Villamor na nahaharap sa reklamong murder.

Samantala, sinabi ni Balisong na titingnan pa nila kung mapagbibigyan si Bantag na hindi muna makadalo sa pagdinig.

“Yeah, puwede. Depende kasi sa mangyayari sa Wednesday. Kung magsa-submit kami ng counter affidavit and the panel requires that it should be subscribed before them then isasama namin siya,” aniya.

“Pero titignan namin kung pwede naman na ipa-subscribe sa other prosecutors… Siguro hindi na kailangan isama,” dagdag pa.

Sa kabila nito, sinabi naman ni Balisong na handang handa si Bantag na humarap sa imbestigasyon.

Nang matanong naman tungkol sa subpoena na ipadadala sana sa Caloocan, sinabi ni Balisong na wala silang nakitang ganoon.

“Oo, sabi kasi nila they’ll serve ‘yung subpoena sa Caloocan. Kaya chineck namin ‘yung sinerve na subpoena. So as far as we’re concerned, there is no such subpoena which has been served to our client in Caloocan,” sinabi niya.

Dagdag pa, ibinahagi rin ni Balisong na gustong-gusto na sumama sa kanya ni Bantag sa pagkuha ng subpoena sa DOJ.

“Yes, gustong gusto niya. Kahapon gustong gusto niya sumama. At we told him kahit hindi na kasi kukunin lang namin ang subpoena. We are armed with the special power of attorney naman.” RNT/JGC