SUCs humirit ng P93.3B pondo sa 2023

SUCs humirit ng P93.3B pondo sa 2023

September 1, 2022 @ 2:51 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Humihirit ang mga state universities and colleges (SUCs) sa Kongreso ng P93.3-bilyong budget para sa 2023, habang ang panukalang budget ng Commission on Higher Education (CHED) ay halos P1.8 bilyon na mas mababa sa kasalukuyang budget nito.

Batay sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa House of Representatives, ang SUCs ay nangangailangan ng kabuuang P93,325,348,000 para mapanatili ang kanilang operasyon sa susunod na taon sa 17 rehiyon sa bansa.

Ang bulto ng panukalang pondo ay inilaan sa mga institusyong pang-edukasyon na nakabase sa National Capital Region (NCR), kabilang ang buong University of the Philippines (UP) System, na nagkakahalaga ng P28,357,092,000.

Sinundan ito ng P7.68 bilyong budget para sa Central Luzon na naglalaman ng 12 SUCs—ang pinakamarami sa lahat ng rehiyon.

Ang Western Visayas, na may 11 SUCs, ay tumitingin sa P7.34 bilyon, habang ang sampung SUC sa Eastern Visayas ay nagbahagi ng halos P5.14 bilyon.

Pinakamababa ang pondo sa Davao Region na mayroong anim na SUC, sa P1.69 bilyon.

Hawak naman ng UP System ang karamihan sa iminungkahing badyet ng SUCs para sa taon ng pananalapi 2023 na nagkakahalaga ng P21,853,587,000.

Gayunpaman, ito ay higit sa P2.5-bilyon na bawas mula sa 2022 na badyet nito na P24,392,029,000.

Ang CHED, sa kabilang banda, ay may malaki ring budget cut sa 2023 sa panukala nitong  P29,892,893,000 budget na mas mababa sa P31,684,508,000 na badyet nito noong 2022.

Karamihan sa pondo o P29.30 bilyon ay inilaan para sa Higher Education Development Program ng Commission, habang nasa P457.87 milyon ay para sa Higher Education Regulation Program nito. RNT