SUCs na ‘di sumusunod sa batas sa libreng edukasyon pahihiyain

SUCs na ‘di sumusunod sa batas sa libreng edukasyon pahihiyain

September 16, 2020 @ 8:07 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Inihayag ng Commission on Education na magpapairal ito ng shame campaign o pagpapahiya sa State Universities and Colleges na hindi sumusunod sa itinatakda ng batas para sa libreng edukasyon o ang Republic Act No.10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Ginawa ni CHED Chairman Prospero de Vera ang pahayag makaraang palitawin ni ACT-Teachers party-List Rep. France Castro ang sumbong ng ilang SUC na hindi sila nakapaningil sa CHED sa tamang panahon ng ginagastos nila sa pagpapairal ng nasabing batas kaya nagbubunga ito ng hindi maganda gaya ng pagsibak ng mga guro sa kawalan ng pampasahod sa mga ito.

Ginawang halimbawa ni Castro ang isang SUC sa Region 3 na umabot umano sa walong buwan ang paniningil nito sa CHED na labag sa dapat na maigsing panahon ng balik-gastos o reimbursement.

Sinabi naman ni De Vera na madali silang magbigay ng balik-gastos at nangangailangan lang ng dalawang linggo makaraang maglabas ang Department of Budget and Management ng pondo para rito.

Depensa ni De Vera, hindi sila magbibigay ng reimbursement kung hindi kumpleto ang mga dokumento ng SUC na isinusumite ng mga ito dahil hahabulin naman umano sila ng Commission on Audit kung basta na lang sila magbalik-gastos nang walang kaukulang dokumento.

Sa shame campaign, lilitaw kung sino ang may pagkukulang o may sala at kung lalabas umano na ang CHED ang nagkulang o maysala, aamin umano sila at aaksyon kaagad.

Epektibo umano ang nasabing kampanya nang ginawa ito sa parte ng mga pribadong eskwela.

Sa nasa 1,000 pribadong eskwela, nasa 600 ang nagkaproblema sa reimbursement ngunit nang ipalabas ang ngalan ng mga ito sa diaryo, 100 na lang ang hindi nakasunod sa mga patakaran sa balik-gastos. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...