Sugar mess probe ng Ombudsman tuloy pa rin

Sugar mess probe ng Ombudsman tuloy pa rin

January 12, 2023 @ 11:10 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Office of the Ombudsman na magpapatuloy ito sa sariling imbestigasyon sa umano’y iligal na pagpapalabas ng Sugar Order Number 4.

Ang pahayag ng Ombudsman ay matapos ang desisyon ng Malacañang na i-clear ang dating agriculture at sugar regulators sa usapin.

“Hindi kami apektado kung ano man ang sabihin ng Pangulo dahil nag-iimbestiga kami, kami ay isang independent body,” ani Ombudsman Samuel Martires sa CNN Philippines.

Ang kontrobersyal na utos ay nagpapahintulot sanang mag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal nang walang pag-apruba ng Pangulo.

Sinabi ni Martires na sinimulan niya ang pagsisiyasat noong nakaraang taon, sa parehong oras na nagsagawa ng sariling pagsisiyasat ang Senate Blue Ribbon Committee sa utos ng pag-aangkat ng asukal.

“Parang COA, ‘pag sinabi ng COA na meron kang notice of disallowance, not even Malacañang can say no. That’s why we are independent constitutional bodies eh,” paliwanag ni Martires.

Tungkol naman sa pagsirit ng presyo ng sibuyas, hiningan na ng paliwanag ni Martires ang mga opisyal ng Department of Agriculture and Food Terminal Incorporated sa posibleng dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga sibuyas sa farmgate.

Binigyan daw niya sila ng tatlong araw mula sa pagkatanggap ng sulat para isumite ang kanilang tugon na may kasamang supporting documents. Ang sulat ay ipinadala noong Martes. RNT