Sugatan sa sumabog na pagawaan ng paputok, umakyat na sa 10

Sugatan sa sumabog na pagawaan ng paputok, umakyat na sa 10

November 4, 2022 @ 7:52 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa sampu katao ang sugatan sa sumabog na pagawaan ng paputok sa residential area sa Barangay Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan.

Sa ulat, ang nangyaring dalawang sunod na pagsabog ay nagdulot ng shockwave at nagresulta sa sunog sa katawan ng ilang mga biktima.

Ang isa umano sa mga ito ay nagtamo ng third degree burn sa buong katawan at nagresulta rin sa mga bahay malapit sa lugar ng pinangyarihan upang masira.

Naapektuhan din ng pagsabog ang klase sa isang paaralan malapit doon.

Sa impormasyon na ibinigay ni Bureau of Fire Protection-Region 3 public information officer Fire Captain Arvin Catipon, nagsimula ang sunog sa nagbabarena sa lugar at nadamay na rin ang mga paputok na nakaimbak malapit dito.

“Sa initial investigation natin ay isa sa trabahador ay nagbabarena sa area at nag-cause ng spark. Tapos nataranta ata siya kaya naitapon mismo ang drill doon kung nasaan nakalagay ‘yung mga paputok,” sinabi Catipon sa panayam ng DZBB.

Samantala, sinabi naman ni Santa Maria Bulacan Police chief Police Lieutenant Colonel Christian Alucod na malayo ang aabutin ng pinsala kung maraming mga paputok ang nakaimbak.

“Kapag ganon karami ‘yung nakaimbak, kahit anong layo niyan aabutin talaga. Katunayan, dito sa kabilang compound, nandito na ‘yung may mga bahay, nakikita ko rito may mga pakete pa rin dito ng mga paputok eh,” ani Alucod.

Dahil dito ay iimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang pagawaan kung sila ay mayroon bang business permit.

“Kanina, ‘yung taga-Public Information Office ng Santa Maria, Bulacan ay binanggit niya na noon may permit. So ngayon, ibe-verify pa nila, ang alam nila noon may permit ito,” pagdidiin ni Alucod.

Bubusisiin naman ang ilan pang paglabag na maaaring nagawa dahil ayon sa BFP, bawal ang magtayo ng pagawaan ng paputok sa lugar na mayroong mga tirahan. RNT/JGC