SUHULAN SA MATNOG PORT, SORSOGON INIREREKLAMO

SUHULAN SA MATNOG PORT, SORSOGON INIREREKLAMO

January 19, 2022 @ 9:05 PM 7 months ago


BIGYAN muna natin ng daan itong matagal nang reklamo ng mga biyaherong dumaraan sa Puerto ng Matnog, Sorsogon patungo sa Allen, Northern Samar kung saan itinuturing na gateway sa Visayas at Mindanao.

Kaugnay ito sa hinaing ng mga motorista at truck driver na pumipila ng halos 16 oras hanggang apat na araw bago maisakay ang mga trak nito sa barkong mistulang dumaraan sa butas ng karayom ang pag-aasikaso ng kanilang dokumentong kailangan bigyan ng suhol ang mga buwayang kawani at sekyu ng Philippine Ports Authority at LGU ng Matnog bago aprubahan ito.

Tangna, halos inaabot daw ng pitong kilometro ang haba ng pila ng mga dambuhalang trak na kargado pa man din ng mga perishable na pagkain, ang madalas na sitwasyon ‘dyan sa Matnog Port dahil sa sindikato ng mga kumag na itong pinababagal ang proseso ng mga dokumento upang mahuthutan ang kawawang mga drayber.

Hindi pa kabilang ‘dyan ang halos isang linggo hanggang sampung araw na pagkatengga ng truckers sa tinaguriang pinakamasamang Puerto sa bansa kapag tinatamaan ito ng bagyong kung sino ang may malaking suhol sa mga buwayang ‘yan ay agarang maikakarga ang sasakyan nito sa RORO vessel.

Pakiimbestiga naman po ito, PPA General Manager Atty. Jay Daniel Santiago, at halos sandamakmak na reklamo na raw ang ipinaabot sa inyo kaugnay sa sindikatong ito subalit tila adobeng hindi magiba ang pangingikil ng mga kawani at sekyu ng inyong tanggapan sa Matnog na ilang taon na ring namamayagpag.

Idinudulog din natin ang penitensyang ito kay Sorsogon Governor Chiz Escudero kung saan lumalabas na pinapaboran daw ni Matnog Mayor Claudith So ang ilang biyaherong agarang nairarampa sa barko ang sasakyan kapag sanggang-dikit ng opisyal.

Anak ng tikbalang talaga ang suhulang ‘yan sa mga pier sa bansa na hindi pa rin matigil bunsod ng malawakang korapsyong kinasasangkutan ng matataas na opisyal na naging salamin din ng mga kawani at sekyung sumasawsaw sa sindikatong panghihingi ng tongpats.

oOo

Anomang puna o suhestiyon mag-tex sa 09999388537/email [email protected]