SUICIDE SA BULLYING SA JAPAN

SUICIDE SA BULLYING SA JAPAN

June 16, 2022 @ 5:19 PM 1 week ago


KAHAPON, inilabas natin dito ang pagsunog nang buhay sa isang opisyal ng Puebla sa Mexico, si Daniel Picazo.

Makaraan siyang itsismis o i-marites na child trafficker sa chat group sa social media, pinuntahan siya ng nasa 200 katao, kinuyog at binugbog.

Sinaklolohan naman siya ng mga pulis, inilagay sa loob ng patrol car ngunit dinukot ito ng mga tao at walang nagawa ang iilang pulis para ipagtanggol siya.

Kinaladkad siya sa isang lugar na palaruan at muli siyang pinagbubugbog saka binuhusan ng gasolina at sinilaban.

Doon na namatay si Picazo.

Ngunit may nauna nang pinagpapatay rin sa kagagawan ng mga marites sa social media pa rin.

Noong 2018, may minarites na dalawang lalaki na child trafficker din, kinuyog, pinagbubugbog at sinunog nang buhay.

Napatunayang hindi totoo ang tsismis.

2019 naman nang sunuging buhay rin ang pito katao sa Puebla rin dahil sa tsismis sa social media.

Hindi naman malaman kung totoo ang bintang na krimen laban sa pitong tao.

NAG-SUICIDE SA JAPAN

Ngayon naman, maaaring magdulot ng pagkitil sa sariling buhay ang cyber bullying o pagmamarites sa social media o iba pang paraan dito gaya ng text messaging, e-mail at iba pal.

Nitong Enero, nag-suicide si Hana Kimura makaraan itong pagmumurahin, bullyin o siraan o padalhan ng mensaheng galit sa kanya.

Bago magpakamatay, sinabi nitong nakatatanggap siya araw-araw ng mensaheng galit sa kanya.

Ito’y makaraang palpak umano ang performance niya sa isang programa sa telebisyon.

Idinamay na rin ang nanay niya sa hate speech sa pag-aakusa sa kanya na pera-pera lang ang habol niya sa kasikatan ng kanyang anak.

MALAYANG PAMAMAHAHAG HINDI NA MALAYA

Dahil sa pangyayari kay Kimura, gumawa na ang Japan ng batas na hindi lang maliit na multa o community service ang parusa kung pagkakabilnanggo na rin sa loob ng isang taon at malaki-laking multa.

Ngayon naman, may reklamo na dahil hindi na umano malayang magpahayag ang mga Hapon sa social media.

Pero giit ng pamahalaang Japan, nararapat lang ang pagkakaroon ng parusang kulong at malaking multa upang mapigilan ang maabusong paggamit ng social media.

Rerebyuhin ang batas makaraan umano ng tatlong taon kung sisibakin ito o panatilihin o patitindihin ang parusa rito.

PAANO SA PINAS?

Meron na tayong batas laban sa cyber bullying at may multang P50,000-P100,000 at pagkakulong na 6 buwan hanggang 1 taon at pinagtuunan ng pansin nito ang bullying sa mga eskwela.

Maaari ring gamitin ng biktima ang cyber libel na may may mataas na multa at ilang taong pagkabilanggo at iba pang mga batas, gaya ng para sa pagkakaroon ng danyos perwisyo.

Tanong: Meron na bang pinagsusunog nang buhay at nagpakamatay dahil sa cyber bullying sa Pinas?

Sana wala pa pero hindi dapat hayaang humantong sa pagpatay at pagpapakamatay ang cyber bullying.

o00

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.