SUMUSOBRA NA NGA BA ANG FB FILTERING? 

SUMUSOBRA NA NGA BA ANG FB FILTERING? 

January 27, 2022 @ 4:45 AM 8 months ago


NAGING bahagi ako ng Facebook sa nakalipas na mahigit 13 taon at tanggap kong parte ito ng aking buhay sa bagong milenyo.

Sa pamamagitan nito, nagawa kong maidokumento ang mahahalagang sandali sa aking buhay at ibahagi ang mga iyon, tulad ng isang bukas na libro, sa aking mga “friends,” pinananatili silang “malapit sa akin” kahit pa ang aktuwal na pakikipag-ugnayan ay labis na ngayong naapektuhan ng distansiya at panahon.

Pwedeng sabihin na isa ako sa aabot sa 74 milyong Pilipino na nahuhumaling sa social media community na ito na imbensyon ni Mark Zuckerberg.

Habang lumalaki ang Facebook at pinagbubuti ang serbisyo nito, upang hindi lang maging isang personal public album kundi isang makapangyarihang paraan ng komunikasyon at epektibong marketing tool sa negosyo, mapagtatanto nating mas nakabibilib pa ang teknolohiyang taglay nito kaysa ating inaakala.

Kaya naman pinalitan ng Facebook ang pangalan ng kompanya nito at ginawang Meta, alinsunod sa konsepto ni Zuckerberg ng metaverse bilang “susunod na ebolusyon ng ugnayang panlipunan.” Para sa marami sa atin, mahirap intindihin ang lahat ng detalyeng ito mula sa mga lumikha at nag-develop ng napakaimportante na ngayong app sa mga gadgets na lagi nating bitbit kahit saan. Para mas simple, binubuo ito ng sangkatutak na bots at artificial intelligence.

Dahil dito, mayroon akong mga kaibigan sa FB na masasabi nating dumanas ng kamalasan.

May mga kakilala akong ilang araw hanggang isang buwang nasuspinde ang FB accounts dahil lang sa paggamit ng mga salita o hashtags na napa-flag ng mga autonomous programs na ginagamit sa pagkontrol sa mga nilalaman ng app.

Pero nito lamang weekend ako totohanang nabahala nang isang respetadong doktor, na ang blog niyang Relative Joy For You ay palagi kong inaabangan, ay nagbahagi ng kanyang pagkadismaya sa content filtering ng Facebook.

Tinanggal kasi ng FB ang isang siksik sa impormasyong artikulo na ibinahagi niya mula sa science.org, na may titulong “In rare cases coronavirus vaccines may cause Long COVID-like symptoms,” dahil natukoy ito bilang isang “maling impormasyon.”

Dahil kilala si Dr. Benjie Co bilang eksperto sa mga nakakahawang sakit, siya mismo ang matiyagang tumitiyak sa katotohanan sa anumang impormasyong ibinabahagi niya sa kanyang FB page.

Ang artikulo, na tinawag pa niyang “excellent read,” ay nagbigay-liwanag sa isa pang aspeto ng posibilidad kapag pagbabakuna na ang pinag-uusapan – “ang hindi batid ng marami na masamang epekto nito,” aniya.

Narito ang isang bahagi ng kanyang blog na dapat magbukas sa isipan ng mga nangangasiwa sa FB:

“Kakatwang sinita ng FB ang post na ito bilang FALSE INFORMATION pero ayaw punahin sa sarili nitong marketplace ang mga pekeng gamot na ipino-post ng mga online sellers. Hindi naman kailangan ng sangkaterbang AI para mapansin ang bentahan ng mga pinekeng gamot. Ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta online ng anumang gamot na inirereseta. Paano pa kaya ‘yung mga gamot o bakuna na mayroon lamang Emergency Use Authorization approval! Hindi na kailangan pang lumayo ng mga nangangasiwa sa FB para matukoy ang mga maaari at hindi maaaring kuwestiyunin ng mga bots o ng anomang intelligence na natitira sa kanila.”

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.