Sundalo arestado sa pagpatay sa barangay chairman

Sundalo arestado sa pagpatay sa barangay chairman

August 31, 2022 @ 3:34 PM 1 month ago


ORMOC CITY — Dinakip ng mga awtoridad ang isang sundalo na itinuturong pumaslang sa barangay chairman nitong nakaraan Linggo sa bayan ng Javier, Leyte.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Sergeant Alexandro Calda, 33, miyembro ng 63rd Infantry Battalion, Philippine Army (PA).

Ayon kay Lt. Nicky Bermudo, hepe ng Javier Police Station, nadakip ang suspek noong Linggo matapos isailalim sa monitoring.

Sinabi ni Bermudo, base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV), Barangay Intelligence Network at ilang saksi nakita nila si Calda na siya bumaril-patay kay Barangay Chairman Joel Riños, ng Barangay Inayupan, Javier noong Agosto 22.

Sa ginawang operasyon ng Javier MPS, nagpakilala ang suspek na kasapi siyang AFP at boluntaryo nitong binuksan ang u-box ng kanyang sasakyan at nakita ang.45 kalibre na baril.

Hiningan ng operatiba ang suspek na kaukulang papeles sa kanyang baril subalit wala itong maipakita.

Dinala sa Tacloban City Police Office, Police Station 2 ang suspek para sa karampatang disposisyon. Mary Anne Sapico