Sundalo at 5 terorista patay sa engkuwentro sa Zambo

Sundalo at 5 terorista patay sa engkuwentro sa Zambo

April 29, 2022 @ 9:55 AM 2 months ago


ZAMBOANGA CITY – Nasawi ang isang sundalo at 5 miyembro ng teroristang Dawlah Islamiya-Maute Group (DI-MG) matapos magkasagupaan ang mga ito nitong Miyerkules sa Lanao del Sur.

Ayon kay Lt. Col. Romulus Rabara, commander ng 5th Infantry Battalion-PA, nasawi si Corporal Rutevic Jaralve ng Zamboanga del Norte habang sugatan ang ilan sa mga kasamahan nito.

Inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng limang nasawi na miyembro ng DI-MG na pinangunahan ng isang Abdullah.

Batay sa report ng dakong 8:00 AM ng Miyerkules nagsimula ang matinding bakbakan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Ragayan, Butig, Lanao del Sur.

Sinabi ni Rabara nakatanggap sila ng report mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong grupo na paniniktik at nag-iimbak ng mga construction materials at pagkain sa naturang lugar.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang tropa ng pamahalaan at nagpakawala ng Field Artillery Battalion, 2- AW-109 attack helicopters ang Philippine Air Force’s Tactical Operations Group.

Tumagal ng 4 na oras ang sagupaan na ikinamatay ng 5 terorista at isang sundalo.

Narekober sa lugar ng pinangyarihan ng engkuwentro mula sa kuta ng mga terorista ang apat na matataas na kalibre ng armas, rocket-propelled grenade, various ammunition, improvised landmine, at iba pang materyales na gamit sa pang-giyera./Mary Anne Sapico