Sundalo binaril ng kapwa sundalo, patay

Sundalo binaril ng kapwa sundalo, patay

July 19, 2018 @ 2:14 PM 4 years ago


Capiz – Hindi pa rin matukoy ng militar at pulisya kung ano ang naging dahilan ng isang 28 anyos na sundalo para barilin ang kanyang kabaro sa loob mismo ng kanilang kampo sa Barangay Lagdungan, Tapaz, Capiz kanina.

Isinailalim na sa kostudiya ng Tapaz Municipal Police Station ang suspek na si Army Private First Class (PFC) Sargie Lopez ilang oras makaraang barilin at mapatay nito si PFC. Delio Sebarillo Tube, kapwa nakatalaga sa Alpha Company, 61st Infantry Battalion, 3rd Infantry Division-Philippine Army sa nabanggit na lugar.

Ayon kay Captain Eduardo Precioso, tagapagsalita ng 3rd ID-PA, nangyari ang insidente alas 4 ng madaling araw sa barracks ng biktima at suspek.

Nagulat na lamang umano ang iba pang kasamahang sundalo dahil isang malakas na putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng barracks at ng kanilang puntahan at silipin ay tumambad sa harapan ang duguang katawan ni Tube na nakahandusay sa sahig habang nakatayo sa harapan nito si Lopez hawak ang .9mm baril na service fire arm nito.

Sinubukan pang isugod ang 37 taong gulang na si Tube sa Tapaz District Hospital subalit idineklara itong dead on arrival.

Sinabi ni Precioso na hindi pa nila nakakausap ng maayos si Lopez dahil balisa pa ito para malaman din nila ang dahilan ng pagbaril sa kanyang kasamahan.

Pero nabatid kay Precioso na bago naitalaga ang suspek sa kanilang brigada ay dati na itong isinailalim sa psychological investigation sa AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City.

Nakatakdang ihain ang kasong murder laban kay Lopez. (Jeff Gallos)