Sundalo nalunod habang tumutulong sa mga biktima ng baha

Sundalo nalunod habang tumutulong sa mga biktima ng baha

January 12, 2023 @ 7:50 PM 4 weeks ago


NORTHERN SAMAR- Bilang pagtupad sa sinumpaang tungkulin, nagbuwis ng buhay ang isang sundalo matapos malunod sa gitna ng pagtulong sa mga biktima ng tubig-baha kahapon sa lalawigang ito.

Nagpalutang-lutang sa Mauo River ng matagpuan ang bangkay ng biktimang si Corporal Jerry Palacio, 34, ng 43rd Infantry Battalion (43rd IB).

Ayon kay Maj. Gen. Camilo Ligayo, commander ng 8th Infantry Division (8ID), nawala noong Enero 9, si Palacio matapos tangayin ng umaapaw na agos ng tubig at kinaladkad pababa habang tumatawid sa isang konkretong tulay sa Sitio KM6, Brgy. Happy Valley sa San Isidro.

Sinabi ni Ligayo papunta ang grupo ni Palacio sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management office (MDDRMO) sa San Isidro, Northern Samar para magsagawa ng humanitarian assistance and disaster response (HADR) operation para sa biktima ng baha sa naturang lugar ng bigla na tangayin ng malakas na alon ng tubig-baha ang biktima.

Agad naman nagsagawa ng joint search, rescue and retrieval operation ang 43IB, Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) para hanapin si Palacio hanggang sa matagpuan ang bangkay makalipas ang dalawang araw sa nasabing ilog , tatlong kilometro ang layo sa lugar ng insidente.

Dinala naman ang bangkay ni Palacio sa Municipal Health Office ng San Isidro para sa postmortem examination bago i-turn over sa kanyang pamilya sa Mondragon, Northern Samar.

Magbibigay naman ng tulong-pinansyal ang militar sa mga naulilang pamilya ni Palacio.

Simula noong Enero 2, ay walang humpay ang naranasan pag-ulan sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao dahil sa trough ng low pressure area (LPA).

Sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi bababa sa 10 katao ang namatay at 438,622 indibidwal ang naapektuhan ng pag-ulan ng LPA sa Cagayan Valley (Region 2), Central Luzon (Region 3), Calabarzon (Region 4A), Mimaropa (Region 4B), Bicol Region (Region 5), Western Visayas (Region 6), Eastern Visayas (Region 8), Zamboanga Peninsula (Region 9), Northern Mindanao (Region 10), Davao Region (Region 11), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Mary Anne Sapico