Sundalo patay, 3 sugatan sa pag-atake ng terorista

Sundalo patay, 3 sugatan sa pag-atake ng terorista

February 17, 2023 @ 1:26 PM 1 month ago


OAS, Albay- Patay ang isang sundalo habang sugatan ang tatlo nitong kasamahan matapos silang masabugan ng anti-personnel mine na itinanim ng pinaniniwalaan grupo ng Communist Terrorist Group (CTG), noong Miyerkules sa bayang ito.

Kinilala ang nasawi na si 2Lt. Nico Malcampo, 31-anyos, tubong Basilan, kasapi ng 9th Infantry Division at nagtapos ng Army’s Officers Candidate Course Class 54-2020.

Batay sa report dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa Barangay Ramay ng naturang bayan.

Sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nagtungo ang grupo ni Malcampo na pinamunuan nito matapos makatanggap ng report hinggil sa presensya ng mga teroristang grupo at nagsasagawa ng pangingikil sa mga residente.

Subalit pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang sumabog ang itinanim na APM ng mga teroristang grupo at nagtamo ng matinding pinsala si Malcampo na naging sanhi ng kanyang kamatayan habang nilapatan naman ng lunas ang tatlong sugatan na sundalo.

“Ipinaaabot ng AFP ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni 2Lt Nico Malcampo. Hindi mawawalan ng kabuluhan ang kanyang sakripisyo habang isinusulong natin ang ating misyon na bigyan ng hustisya ang bawat komunistang terorista at ganap na wakasan ang komunistang armadong tunggalian sa bansa.”

Mariin namang kinondena ng AFP ang paggamit ng mga anti-personnel mine ng mga teroristang grupo na isang kaduwagan.

Ang paggamit ng APM ay mahigpit na ipinagbabawal ito sa ilalim ng International Humanitarian Law na nagpapatibay sa kanilang katayuan bilang isang teroristang organisasyon. Mary Anne Sapico