Sundalo patay, 5 sugatan sa landmine

Sundalo patay, 5 sugatan sa landmine

July 20, 2022 @ 11:39 AM 3 weeks ago


CATUBIG, Northern Samar- MARIIN kinondena ng militar ang pagtatanim ng anti-personnel mines ng mga teroristang New People’s Army (NPA) matapos masabugan ang mga tropa ng pamahalaan na ikinasawi ng isang sundalo at limang ang nasugatan, Martes sa bayang ito.

Ayon kay Capt. Ryan Layug, ng 8th Infantry Division Philippine Army, dakong 9:25 AM nagsasagawa ang grupo ng Community Support Program (CSP) ng combat patrol sa Barangay Osang, Catubig Northern Samar ng biglang may sumabog.

Agad na nasawi ang isang sundalo na hindi pa pinangalanan habang dinala naman Eastern Visayas Medical Center ang mga sugatan para lapatan ng lunas.

Matatandaan na noong Hulyo 5, isang pagsabog rin ng anti-personnel mines sa Brgy. Magsaysay, Mapanas Northern Samar na ikinasugat ng 7-sundalo habang noong Abril 3, sa bayan ng Las Navas, 4 na sundalo, 2 pulis at tauhan ng PNP ang namatay dahil pa rin sa pagsabog ng APM.

Nanawagan naman ang militar sa Commission on Human Rights dahil sa patuloy na paglabag ng Komunistang NPA sa International Humanitarian Law Ottawa Convention o Mine Ban Treaty, na nagbabawal sa paggamit, pag-iimbak, paggawa, at pagbiyahe ng mga Anti-personnel mines./Mary Anne Sapico