Sundalo patay sa ambush sa Cotabato

Sundalo patay sa ambush sa Cotabato

November 13, 2022 @ 9:32 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang sundalo habang sugatan naman ang isang opisyal ng Philippine Army sa nangyaring pananambang sa Cotabato City nitong Sabado, Nobyembre 12.

Kinilala ang mga biktima na sina Lt. Col. Maniago Balayman Macalantagui, 49 anyos, na nakaligtas sa tangkang pagpatay sa kanya ngunit ang driver nito na si Army Corporal Ramil Upam Laguioman, 34-anyos, ay hindi nakaligtas.

Sa ulat, nangyari ang pamamaril pasado alas-7 ng gabi sa Sinsuat Avenue, Rosary Heights 9, Cotabato City habang sakay ang mga biktima ng pulang SUV at pinaputukan ng mga hindi pa tukoy na mga gunman.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Laguioman samantala hindi naman gaanong nasaktan si Macalantangui.

Dinala ang mga biktima sa Notre Dame Hospital ngunit idineklara nang dead on arrival si Laguioman.

Narekober ang mga bala ng pinaniniwalaang mula sa kalibre .45 na baril.

Sa impormasyon, si Macalantangui ay naka-assign sa Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa Cotabato City samantala si Laguioman naman ay nakadestino sa 6th Infantry Division’s CMO Battalion sa PC hill, Barangay Rosary Heights 1, Cotabato City.

Nakipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa mga kalapit na establisyimento para sa kopya ng CCTV footage. RNT/JGC