Sundalo patay sa NPA

Sundalo patay sa NPA

July 2, 2022 @ 2:15 PM 1 month ago


CONNER, Apayao- Patay ang isang sundalo matapos makasagupa ang rebeldeng New People’s Army (NPA) sa gitna ng Focused Military Operation at combat at visibility patrol ng 52nd Division Reconnaissance Company sa bahagi ng Conner at Abra Biyernes sa lalawigan ito.

Kinilala ni Army. Cpt. Rigor Pamittan ang DPAO chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, ang nasawi na si Private Kobee Wackisan ng Tanudan, Kalinga, 24-anyos, kasapi ng 52nd Division Reconnaissance Company.

Batay sa report dakong alas-3:30 ng hapon naganap ang sagupaan sa bahagi ng Barangay Katablangan, Conner, Apayao.

Habang nagpapatrolya ang tropa ng pamahalaan sa bulubunduking bahagi ng nabanggit na lugar ay agad silang sinalubong ng mga putok ng baril ng higit sa 14 na miyembro ng rebeldeng NPA.

Tumagal ng 30-minuto ang palitan ng putok na ikinasawi ni Wackisan habang mabilis naman umatras patakas ang mga rebelde.

Nakipag-ugnayan na rin ang 5th Infantry Division Philippine Army sa pamilya ng nasawing sundalo.

Nagsasagawa na ng blocking operation ang militar para matiyak na hindi makababa sa mga komunidad ng Apayao ang rebeldeng grupo at magpanggap na mga karaniwang mamamayan. Mary Anne Sapico