Sundalo pinagbabaril-patay

Sundalo pinagbabaril-patay

September 19, 2022 @ 8:42 AM 2 weeks ago


PARANG, Maguindanao- Duguang bumulagta ang isang sundalo matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek sa labas ng kanyang bahay kaninang madaling-araw sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Corporal Al Muiz Dima, nakatalaga sa Intelligence and Security Unit ng Philippine Army Intelligence Regiment at residente ng Barangay Magsaysay Parang Maguindanao.

Batay sa report ng Parang Municipal Police Station, bandang ala-1 ng madaling araw naganap ang krimen sa labas ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakarinig umano ng kaluskos ang biktima sa labas kanyang bahay kaya lumabas ito para alamin.

Dito, sumulpot ang suspek na armado ng kalibre .40 na baril pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo sa hindi malamang direksyon.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran ikadarakip nito. Mary Anne Sapico