Sunod na PNP chief, nakasalalay sa rekomendasyon ni Año

Sunod na PNP chief, nakasalalay sa rekomendasyon ni Año

May 3, 2022 @ 11:36 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakasalalay sa magiging rekomendasyon ni DILG secretary Eduardo Año ang magiging pasya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa paghirang nito ng susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).

Sa kanyang Talk to the People, araw ng Martes, sinabi ng Chief Executive na kung ano ang magiging rekomendasyon ng Kalihim ay iyon ang masusunod.

Ayon sa Pangulo, napakabihira na solo siyang gumagawa ng anumang pagpapasiya ng walang rekomendasyon mula sa isang pinuno ng isang Departamento.

Sa kabilang dako, nakatakdang magretiro sa Mayo 8, bisperas ng eleksyon si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, kaalinsabay ng pagsapit ng mandatory retirement age nito na 56.

Kaugnay nito’y inihayag ng Pangulo na may listahan na siya ng rekomendadong maging susunod na chief PNP at sinisilip na rin niya ang performance record ng mga ito.

Samantala, hawak na ngayon ni Pangulong Duterte ang listahan ng dalawang pangalan na posibleng maging susunod na hepe ng Philippine National Police.

Ayon kay Sec. Año, seniority at competence ang naging basehan ng dalawang kandidato.

Hindi naman tinukoy ni Año ang pagkakakilanlan ng dalawang senior officials na posibleng pumalit sa puwesto ni Carlos.

Ayon kay Año, isinumite niya ang kanyang rekomendasyon sa Pangulo noong Abril 26.

Nasa pagpapasya na aniya ni Pangulong Duterte kung sino ang pipiliin na susunod na PNP chief. Kris Jose