Sunod-sunod na patayan, inalmahan sa Senado

Sunod-sunod na patayan, inalmahan sa Senado

July 8, 2018 @ 2:35 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Lubha nang nabahala ang ilang senador sa sunod-sunod na patayan nitong Sabado kaya’t nanawagan ang ilan sa awtoridad na kaagad lutasin ang pagpaslang sa dalawang alkalde, isang vice mayor at dalawang village councilor sa Mindanao.

Sa pahayag, sinabi nina Sen. Kiko Pangilinan, presidente ng Liberal Party (LP) at kaalyado nitong si Sen. Bam Aquino na kailangan nang kumilos nang mabilis ang awtoridad upang malutas ang sunod-sunod na patayan.

“Ano ang nangyayari, deliberate ba ito at orchestrated attempt na gumawa ng kalagayan na kawalan ng kaayusan upang ma-justify ang papamahala ng isang strongman?” tanong ni Pangilinan.

Nitong Sabado, pinatay si Vice Mayor Alex Lubigan ng Trese Martirez City,  at dalawang konsehal sa Mindanao at pinasabog naman ang bodega ng pinaghihinalaang drug lord na si Peter Lim sa Cebu nitong Huwebes.

 Ayon kay Pangilinan, isang mabilisan, tiyak at legal na pagkilos ang dapat gawin ng Philippine National Police (PNP) upang maipakulong ang mga killer na hinihintay ng taumbayan.

“Kasabay nito na dapat tiyakin ang police visibility sa kritikal na lugar upang maiwasan ang isa pang madugong insidente,” giit niya.

“Gusto natin ang ligtas, secure at mapayapang lipunan, hindi ganster land,” dagdag ng senador.

Samantala, nagpahayag naman ng pakikiramay si Aquino sa mga mahal sa buhay ni Vice Mayor Alex at sa buong sambayanan ng Trece Martires na ninakawan ng isang mahusay at tapat na lider.

“Sa tuwing may pinapatay, hindi lamang ng buhay ang ninanakaw, ninanakaw din ang kaluluwa ng ating bayan,” ani Aquino.

Aniya, kailangan iwaksi ng pamahalaan ang dahas upang matigil ang karahasan.

“Kung patuloy na gagamitin ang karahasan bilang solusyon sa mga problema ng bayan, hindi magiging payapa at ligtas ang ating lipunan,” ani Aquino. Ernie Reyes