SUNOD-SUNOD NA RAPE-SLAY AT TULONG SA NAKALAMIDAD

SUNOD-SUNOD NA RAPE-SLAY AT TULONG SA NAKALAMIDAD

August 25, 2022 @ 7:28 PM 1 month ago


ANO na pala ang mga nagaganap, lalo na sa mga kalalakihang sumisira sa buhay at dangal ng mga kababaihan?

Nakatatakot isiping sunod-sunod ang mga pagpatay at pag-rape nila sa mga babae.

Ano-ano kaya ang bumabalot sa isipan at katauhan ng mga suspek sa mga krimeng ito?

KAAWA-AWANG MGA BIKTIMA

Kabilang sa mga pinagpapatay at pinagre-rape sina Lovely Anne Villagomez sa Brgy. Baritan, Malabon City; Jovelyn Galleno sa Brgy. Sta. Lourdes sa Puerto Princesa, Palawan; Angelica Calimlim sa Pulilan, Bulacan; at Princess Marie Dumantay, sa Bustos, Bulacan.

Naaresto naman ang mga suspek sa kaso ni Villagomez na hindi pinangalanan ng pulisya; sa kaso ni Galleno na si Leobert Dasmariñas; sa kaso ni Calimlim na sina Melvin Altubar at isang 16 anyos; at sa kaso ni Dumantay na si Gaspar Maneja Jr. o Jose Francisco Santos.

Halos mga buto na lamang ang natagpuan sa katawan ni Galleno na isang empleyado ng mall.

Natagpuan naman sa kanyang inuupahang bahay na hubad ang pang-ibabang bahagi sa kanyang katawan si Villagomez.

Si Dumantay naman ay ginawa pang ash tray o pinagpapatayan ng yosi ang katawan nang matagpuan ito.

Lumalabas namang serial rapist ang kriminal dito na si Maneja o Santos.

Palutang-lutang naman sa daang-tubig ang bangkay ni Calimlim makaraan itong itapon sa isang imburnal makaraang patayin at reypin.

Bukod sa pagiging mamamatay-tao at rapist ang mga suspek, mero pa bang ibang natagpuan ng pulisya na ibang nagtulak sa mga ito para maging kriminal?

Halimbawa, nakadroga ba ang mga ito?

HUSTISYA SA PANAHON NI DIGONG

Naalala ko tuloy ang mga rapist at pumapatay sa kanilang mga biktima noong panahon ni Tatay Digong.

Agad na nagagawaran ng hustisya ang mga biktima noon.

At tinanggap nang lubos ng mga mamamayan ang agarang paggawad ng katarungan.

Paano nga kaya kung pairalin ang swift justice laban sa mga ganitong kriminal?

Hindi ba pupwedeng isa itong dahilan upang muling buhayin ang parusang bitay?

Pero daraan pa rin sa masusing paglilitis ang kaso at makaraan ang maibilis na paglilitis, agad na isagawa ang pagbitay.

Hindi kailangang pagtagalin pa ang pagbitay sa mga suspek sa mga ganitong karima-rimarim na krimen.

Malamang na sang-ayon ang mga pamilya ng mga biktima rito at maging ang lahat ng mga mamamayan.

DOBLE MALAS

Talaga namang naging malungkot ang mga taga-North Luzon.

Kasi naman, mga Bro, nilindol na sila nang matindi, dinaanan pa sila ng mapaminsalang bagyo na si Florita.

Sa lindol, nasiraan sila ng buhay, mga tahanan at kabuhayan at nang bumagyo, nasiraan pa rin sila ng buhay at kabuhayan, lalo na ang mga magsasaka.

Kasama sa mga napinsala ang mga bata na gustong-gusto na ang mag-aral nang face-to-face.

Grabe ang kalamidad na tumama sa mga biktima.

Sana naman, hindi tayo tumigil sa pagbibigay ng anomang meron tayo bilang ayuda sa kanila.

Hindi matatawaran ang halaga ng bawat sentimo, butil ng bigas, isang kapirasong kasuotan at iba pang tulong na maihahatid natin sa kanila.

Tulungan po natin sila.