Sunog dulot ng paputok, tumaas pa – BFP

Sunog dulot ng paputok, tumaas pa – BFP

December 24, 2022 @ 3:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tumaas pa ang mga insidente ng firecracker-related na sunog ngayong taon.

Ito ang sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Sabado, Disyembre 24 kung saan mayroon na umanong 19 na insidente nito na naitala.

“Dito po ay related sa firecrackers medyo tumaas po tayo ngayong taon ano, 19 na po ang naitala natin, samantalang nakaraan po ay 5 dahil nga po siguro sa pandemic na rin,” sinabi ni BFP spokesperson Fire Supt. Anne Atienza.

Dagdag pa ni Atienza, posibleng tumaas pa ang mga maitatalang sunog dulot ng paputok habang papalapit ang Bagong Taon.

“Sabi pa nga, mga uhaw ang ating mga kababayan sa firecrackers, mga sabik ano. Kaya sana nga po, ipaubaya na po ang pagpapaputok sa ating mga LGUs kung saan ay meron po silang mga designated areas para dito,” aniya.

Maliban dito, sinabi rin ni Atienza na isa sa pangunahing dahilan ng sunog ngayong taon ay ang problema sa kuryente.

“Ang pinaka-cause of fire po natin, yung nangungunang tatlo ay ang una, ay yung electrical ignition po caused by arching, so simula nung pandemic, yun pa rin po hanggang ngayon. Pumapangalawa po yung electrical ignition pa rin by loose connection naman po, so ito nga po yung sikat na sikat na octopus connection, yung ating paggamit ng mga extension wires,” pagbabahagi nito.

“At pumapangatlo po yung smoking. So sana po ay mga kababayan natin, umiwas na po sa mga ganitong gawain para po ligtas po talaga ang ating pag-celebration,” dagdag ni Atienza.

Dahil dito ay nagpaalala siya at ang BFP sa publiko na panatilihing maingat at alerto sa mga maaaring pagmulan ng sunog kasabay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. RNT/JGC