SUNOG, LUNOD, HEAT STROKE SA TAG-INIT

SUNOG, LUNOD, HEAT STROKE SA TAG-INIT

May 5, 2022 @ 9:43 AM 2 months ago


SUNOD-SUNOD ang mga disgrasya ngayong tag-init.

May mga namamatay dahil sa sobrang init ng panahon bagama’t hindi sila direktang namamatay dito kundi sa ibang mga paraan.

Sa Batangas, may nalunod na limang bata habang sila’y naliligo sa Taal Lake.

Sa University of the Philippine campus, Diliman, Quezon City, namatay naman ang walo katao.

Wala pa namang naiuulat na namatay sa heat stroke subalit huwag na tayong magtaka kung may maiuulat na ganitong kaso.

MGA NALUNOD

Kinilala ng Philippine Coast Guard ang mga biktima na sina  Rodney Mark Dela Rosa, 7 anyos; Sherin Ashtrid Dela Rosa, 8; Kurtney Prian Presas, 8; Kiel Zackary Pasaron, 10; at Jaime Rose Ann Jacutan, 12

Dalawang araw ang ginugol ng mga awtoridad at mamamayan sa paghahanap sa mga ito at unang natagpuan ang bangkay nina Ashtrid Dela Rosa na natagpuan mga 10 piye ang lalim at Jacutan na natagpuan din malapit doon.

Kinabukasan, natagpuan naman ang bangkay ni Presas mga 25 piye sa ilalim ng tubig, gayundin ang bangkay nina Rodney at Pasaron.

Napakalungkot isipin na sa kagustuhan ng mga batang ito na lumamig ang kanilang mga katawan, nalunod silang lahat.

Naganap ang pangyayari sa Taal Lake na sakop ng bayan ng Balete, Batangas.

Pawang mga residente ng Barangay Toribio, Lipa City, Batangas ang mga biktima at dumayo sila sa lugar para lang mag-swimming.

SUNOG SA U P CAMPOS

Nagsimula naman umano ang sunog sa UP campus dahil sa nag-overheat na bentilador na gamit sa pampalamig ng katawan.

Walo ang namatay, kabilang na ang mga menor-de-edad din na edad 3-10.

Dahil sa sunog, nawalan ng matirhan ngayon ang nasa 250 pamilya na nakatira sa nasa 80 bahay na nasunog.

Hindi naman naapula agad ang sunog ng mga bumbero dahil napakabilis ang pagkalat ng apoy sa mga bahay na halos pawang mga madalign masunog ang mga gamit.

BAWAL AT PAGKUKULANG

Bawal ang maligo sa Taal Lake, kabilang na ang lugar na kinalunuran nina Dela Rosa.

Hindi ligtas ang lugar dahil may pagsusungit ang Bulkang Taal nitong nagdaang mga linggo.

Bukod sa may dumi ang katubigan, may panganib na baka biglang pumutok muli ang bulkan.

Gayunman, nagpunta at nag-swimming pa rin ang mga bata.

Sino-sino ang mga nagkulang o nagpabaya sa mga batang kung iisipin ay pawang mga inosente sa mga panganib sa dagat na malalim pa?

Sa sunog sa UP campus, sino-sino rin ang mga nagkulang o nagpabaya?

MGA PANANAGUTAN AT GAMPANIN

Para sa ating Uzi, mga Bro, magandang magkaroon ng mga imbestigasyon upang managot ang dapat managot sa malalagim na pangyayari.

Subalit maging leksyon din sana ang mga ito sa mga magulang at mamamayan at huwag basta ibunton ang lahat ng sisi sa mga kinauukulan sa pamahalaan.

Dapat magkaroon din ang lahat ng kaalaman at pagsasanay sa pagsunod sa mga umiiral na batas o patakaran, pagliligtas ng buhay sa katubigan at sunog at iba pang pangkaligtasang gawain.