Suns pinakinang ni Booker vs Pistons

Suns pinakinang ni Booker vs Pistons

January 17, 2022 @ 1:20 PM 7 months ago


MANILA,Philippines – Nanguna sa panalo ng Phoenix Suns si Devin Booker na kumamada ng 30 puntos habang tumulong din sina JaVale McGree at Cameron Payne na may tig-20 puntos kontra Detroit Pistons, 135-108 sa larong ginanap sa Little Caesars Arena.

Sa iba pang laro, giniba ng Minnesota Timberwolves ang Golden State Warriors, 119-99, kasabay ng pagliban ni Stephen Curry na pinahinga ang kamay na napilay noong huling laro kontra sa Chicago Bulls.

Hindi na pinalaro ang  first five ng Minnesota sa 4th quarter at sinigurado ng mga reserbang sina Malik Beasley at Jaden McDaniels ang kanilang ika-21 panalo sa 43 laro.

Nanguna sa Timberwolves si Karl Anthony Towns na may 26 puntos at 11 rebounds at 17 puntos si Jaylen Nowell.

Naging perpekto naman ang Utah Jazz sa 125-102 panalo sa Denver at nanatiling walang talo sa 10 laro kontra sa mga kasama nila sa Northwest Division at may kartadang 29-14.

Umarangkada para sa Jazz si Donovan Mitchell na nagsabog ng 31 puntos  habang 18 puntos at 19 rebound si Rudy Gobert.

Triple double si MVP Nikola Jokic na 25 puntos, 15 rebound at 14 assist subalit hindi ito sapat para maiwasan bumaba ang Denver sa 22-20.

Nagawang makahabol ng Houston Rockets nang ipasok  nina Garrison Mathews at Eric Gordon ang mga mahahalagang puntos sa simula ng fourth quarter  laban sa Sacramento Kings, 118-112.

Nakagawa ng  23 puntos at 14 rebound si Christian Wood habang 23 puntos din si Kevin Porter Jr. galing sa limang three-points.

Pagkakataon na ng Jazz na ipagdiwang ang Filipino Heritage Night sa Rockets ngayong Huwebes.  Tulad noong unang laban sa Houston noong Oktubre 28, magtatampok ng mga palabas ang Jazz mula sa katutubong sayaw at awit ng Pilipinas at kikilalanin ang malaking kontribusyon ng mga Filipino sa Utah.JC