Super Health Centers binuksan sa Pangasinan; ‘Serbisyong medikal ilapit sa mahihirap’ – Bong Go

Super Health Centers binuksan sa Pangasinan; ‘Serbisyong medikal ilapit sa mahihirap’ – Bong Go

September 11, 2022 @ 1:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kalidad ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan upang matiyak na ang mga pinakamahihirap na Pilipino ay magkaroon ng access sa mga serbisyong medikal kung kaya isinulong niya ang paglikha ng mga Super Health Center sa buong bansa.

Kamakailan, noong Setyembre 8, pinangunahan ni Go ang groundbreaking ng Super Health Center sa Barangay Esmeralda sa Balungao , Pangasinan.
Ang Super Health Center ay medium na bersyon ng isang polyclinic ngunit mas pinahusay na bersyon ng rural health unit. Ang mga serbisyong maibibigay sa center ay kinabibilangan ng database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit.

Ang iba pang serbisyo dito ay sa mata, tainga, ilong at lalamunan (EENT); mga sentro ng oncology; physical therapy at rehabilitation center at telemedicine, kung saan gagawin ang malayuang pagsusuri at paggamot sa mga pasyente.

“Isinulong po natin at ipinaglaban na magkaroon ng Super Health Center dito sa inyo dahil alam ko po kung gaano ninyo kailangang mapalapit sa inyo ang serbisyong medikal ng gobyerno. Naiintindihan ko po na napakalayo ng inyong barangay sa sentro kaya naman kami na po gumawa ng paraan para hindi na kayo lumayo pa,” sabi ni Go.

Simula nang pumutok ang pandemya, sinabi ni Go na nabigla at nahirapan ang ating healthcare system dahil sa kawalan ng kahandaan. Ang mga Super Health Centers, aniya, ay isang paraan para mapagaan ang trabaho ng mga ospital.

Nauna nang sinabi ni Senator Go na ang gobyerno ay kasalukuyang mayroong halos P3.6 bilyon na magagamit na pondo sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para magtayo ng 305 Super Health Centers sa Pilipinas.

Kamakailan, inihayag ng Department of Health na ang pagtatatag ng mga Super Health Center ay upang makatulong na mabawasan ang rate ng occupancy sa ospital.

“These Super Health Centers have equipment that can be found in hospitals so that we can unload hospitals. We have started these Super Health Centers where basic tests that are often needed to be conducted in hospitals can be done here, without the need for people to go to higher level facilities,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media briefing noong Setyembre 5.

Tiniyak din ni Vergeire na ang mga center ay may kagamitan upang tumugon sa mga pangunahing pangangailangang medikal, kaya hinimok niya ang mga Filipino na gamitin ang Super Health Center imbes na dumiretso sa mga ospital bilang mga walk-in na pasyente.

Para sa Pangasinan, binigyang-diin din ni Senator Go ang pagtatayo ng walong Super Health Centers sa lalawigan, kabilang ang sa Alaminos City at sa mga bayan ng Basista, Manaoag, Mapandan, Tayug, Porrozubio, Asingan at Umingan.

Noong Setyembre 9, nagsagawa rin ng groundbreaking sa itatayo ring Super Health Center sa Baybay, Leyte. Nauna rito, nakiisa rin si Go sa groundbreaking ng mga SHC sa North Cotabato, Sultan Kudarat at Iloilo.

Bukod sa Super Health Centers, hinikayat ni Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, ang mga may problema sa kalusugan na bisitahin ang Region 1 Medical Center sa Dagupan City kung saan mayroong Malasakit Center na handang tumulong sa kanilang mga bayarin sa ospital.

“Mayroon na po tayong 151 Malasakit Center sa buong Pilipinas na handa pong tumulong sa inyo. Ang Malasakit Center po ay one-stop shop, nasa loob na po ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno — DOH, DSWD, Philhealth, at PCSO. Tutulungan po kayo hanggang maging zero balance ang inyong billing. Batas na po yan na isinulong ko noon at pinirmahan ni (dating) Pangulong (Rodrigo) Duterte,” ayon kay Go na siyang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act. RNT

Pinangunahan ni Senator Bong Go ang pagpapasinaya sa itatayong Super Health Center sa Barangay Esmeralda sa Balungao , Pangasinan na sinundan ng personal niyang pamamahagi ng ayuda sa mahihirap na residente sa nasabing lugar. Dahil sa walang tigil na pagsisikap niyang makatulong sa mga nangangailangan, kinilala si Senator Go bilang “adopted son” ng Balungao.