SUPER HOSPITAL BAWAT REHIYON GUSTO NI BONG GO

SUPER HOSPITAL BAWAT REHIYON GUSTO NI BONG GO

December 8, 2021 @ 7:14 PM 10 months ago


Hindi maikakailang mas nakita natin ngayon ang kahalagahan ng super hospital o ang pagamutang may kakayahan asikasuhin ang mga kababayan nating may pangangailangang medikal o operasyon dulot ng malalang karamdaman lalo’t patuloy ang ating laban sa pandemya.

Kaya naman bilang chairman ng Senate Committee on Health, nagpahayag si Senator Christopher ‘Bong’ Go na kailangan ang super hospital sa bawat rehiyon ng bansa upang mas masigurong mabigayn ng medical services ang sambayanang Pilipino saanmang panig ng Pilipinas.

Talagang walang awat ang butihing senador sa pag-iisip ng mga paraang mas makapagpapabuti sa antas ng serbisyong medikal sa bansa na nagkaroon pa ng tamang kutob noong 2019 matapos ipaglaban ang 2020 budget ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM na balak pa palang bawasan noong nasabing taon.

Kung nagkataong natuloy ang pagbabawas sa 2020 budget ng RITM, malamang mas nahirapan ang bansa noong pumasok ang COVID-19 gayong ito lamang ang nag-iisang pasilidad na may kakayahang magsagawa ng RT-PCR test noong mga unang buwan ng 2020.

Tama nga naman si Sen. Go na mainam na mag-invest tayo sa serbisyong medikal dahil malaking bagay ito higit lalo sa mga kababayan nating mahihirap at walang pang tustos sa pagpapagamot sa ospital.

Naaayon din na mabigyan ng pantay na serbisyong medikal ang ating mga kababayang nasa ibang rehiyon upang hindi na nila kailangan pang lumuwas mula sa kani-kanilang probinsiya upang magpagamot o sumailalim sa operasyon sa malalaking pagamutan sa ibang lugar.

Marami sa ating mga kababayan ang talagang madaling maapektuhan tuwing may suliranin sa kanilang kalusugan dahil hirap na nga sa pagtustos sa kanilang pang araw-araw na gastusin ay kailangan pa nilang gawan ng paraan ang gastos para sa pagpapagamot.

Ang panawagang ito ni Sen. Go ay tunay na makabuluhan lalo’t galing mula mismo sa taong may malapit na puso sa masa at ramdam ang hinaing ng ordinaryong mamamayan ng bansa.