Suplay na gagamitin sa BSKE sa 2023, nakahanda – Comelec

Suplay na gagamitin sa BSKE sa 2023, nakahanda – Comelec

November 18, 2022 @ 7:25 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Comission on Elections (Comelec) na nakahanda ang lahat ng suplay at paraphernalias na gagamitin para sa Barangay at Kabataang Elections o BSKE ilang buwan bago ang halalan sa Oktubre 2023.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, inaasahan na maidedeliver na bago mag-Disyembre 31 ngayong taon ang mga suplay para sa preparasyon ng BSKE.

Sinabi pa ni Garcia na ang maagang paghahanda ay nangangahulugan lamang na ang kanilang aksyon ay hindi nakasalalay sa mga isyu na nakapaligid sa pagdaraos ng halalan sa barangay at SK elections, kung ito ay gaganapin ba sa Disyembre 2022 o Oktubre 2023.

“We must always be ready anytime an electoral exercise is scheduled and called for. As we have committed in the past,if Congress or Supreme Court tells us to hold the elections, then we have to follow,” saad ni Garcia.

Maalala na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapaliban sa BSKE mula Disyembre 5, 2022 sa huling Lunes ng Oktubre 2023 matapos nitong lagdaan ang Republic Act 11935.

Naghain naman ng petisyon si election lawyer Romulo Macalintal sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng batas na inaprubahan noong Oktubre. Jocelyn Tabangcura-Domenden