Suplay ng baboy sa Pasko, sapat

Suplay ng baboy sa Pasko, sapat

October 28, 2022 @ 9:29 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – May sapat na suplay ng karneng baboy para sa Kapaskuhan.

Ito ang siniguro ng National Federation Hog Farmers Inc. (NFHFI) at ng Department of Agriculture sa gitna ng tumataas na bilang ng kaso ng African Swine Fever (ASF).

Sa San Miguel, Iloilo ay nagdeklara na ng state of calamity dahil sa ASF ngunit ayon kay NHFI president Chester Warren Tan na hindi kukulangin ng local at fresh meat lalo na sa Nobyembre at Disyembre dahil ang mga hog farmer ay nagsisimula nang mag-breed ng mas marami pang baboy.

Dahil sa pagtaas ng kaso ng ASF sa Iloilo, mahigpit na ring minomonitor sa Cebu at ilang bahagi sa bansa ang naturang sakit sa mga alagang baboy upang hindi na makapasok pa sa ibang probinsya.

Sinabi naman ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na bagamat may mga bagong kaso na ng ASF ang suplay ng karne ay hindi isang dahilan ng pag-aalala.

Sa ngayon, sinabi ni Evangelista na ang suplay ng karne ng baboy ay sapat at titignan din aniya ang mobilisasyon ng pagkain kung may pangangailangan upang masiguro na maraming local supply ngayong Pasko. Jocelyn Tabangcura-Domenden