Suplay ng bakuna vs COVID sapat ‘gang pagtatapos ng 2022

Suplay ng bakuna vs COVID sapat ‘gang pagtatapos ng 2022

June 17, 2022 @ 6:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- May sapat na suplay ng bakuna ng COVID-19 hanggang sa susunod na administrasyon at hanggang sa pagtatapos ng 2022, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Sa panahon ng Back-to-Vax Champion COVID-19 vaccination event ng Department of Health (DOH), sinabi ni Duque na mula sa 244 milyong dosis na natanggap, humigit-kumulang 155 milyong dosis ang naibigay.

“Sobra sobra ang ating bakuna. Out of 244 million doses na natanggap natin, mga 155 million na yung ating naimplement, so hanggang sa huli ng 2022, sa susunod na administrasyon, mayroon silang sapat na bakuna para mapalawig ang ating primary series vaccination coverage and of course our first booster dose and second booster dose coverage,” sabi ni Duque.

Sinabi ni Duque na hindi bababa sa 90% ng target na 77 milyong indibidwal ang nabakunahan sa ilalim ng COVID-19 vaccination program.

“Yung 70 million nabakunahan na natin so may seven million pa tayo na mga Pilipino na kinakailangan pang bakunahan,” sabi pa ni Duque .

Sinabi ng gobyerno ng Pilipinas na target nitong mabakunahan ang humigit-kumulang 77 milyong indibidwal o 85% ng target na kwalipikadong populasyon sa katapusan ng Hunyo.

Samantala, sinabi ni Duque na mababa ang coverage para sa booster shots.

Noong Hunyo 13, halos 9.5 milyong kabataan na may edad 12 hanggang 17 at 3.1 milyong menor de edad na nasa  5 hanggang 11 ang ganap nang nabakunahan laban sa COVID-19.

Humigit-kumulang 14.6 milyong indibidwal ang nakatanggap ng kanilang unang dosis, at 580,000 ang nakatanggap ng kanilang pangalawang booster dose.

Samantala, sinabi ni Duque na ang mga medikal na asosasyon ay malayang magrekomenda ng “pinakamahusay” na susunod na kalihim ng kalusugan, idinagdag na ang lahat ng mga pangalan na narinig niya ay “mabuti at nakatulong” sa pagtugon sa pandemya ng COVID-19.

Anang kalihim, hindi siya hinihingian ng ano mang rekomendasyon o endorsement kaya pinapaubaya nito sa susunod na Presidente na magdesisyon kung sino ang kanyang gusto o piliin.

Sinabi ni Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) President Dr. Jose de Grano na ang iba’t ibang mga hospital society, maging ang Philippine Medical Association (PMA), ay inirekomenda  si National Task Force (NTF) Against COVID-19 adviser Dr. Teodoro “Ted” Herbosa bilang susunod na DOH chief

Hindi pa inaanunsyo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang susunod na kalihim mg kalusogan.

Bukod sa pagiging special adviser ng (NTF) COVID-19, si Herbosa ay hinirang kamakailan bilang miyembro ng lupon ng PhilHealth bago niya tinanggap ang posisyon bilang chairman ng Emergency Medicine sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (PGH). Jocelyn Tabangcura-Domenden