Suplay ng isda, baboy, bigas sa Pinas, kulang – DA chief

Suplay ng isda, baboy, bigas sa Pinas, kulang – DA chief

May 31, 2022 @ 10:05 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar nitong Martes na may kakulangan pa rin sa lokal na suplay ng isda, baboy, at bigas dahil sa giyera ng Ukraine-Russia at ang mahabang kapabayaan na sa sektor ng agrikultura.

Sa panayam sa Unang Balita, ipinagtanggol ni Dar ang pag-aangkat ng isda mula sa mga kritiko, kabilang ang mga mangingisda, na nagsasabing may sapat na suplay ng isda sa bansa.

“Yung supply ngayon, overall, sumatotal ay may kakulangan pa tayo sa isda, sa baboy, yung rice ay 92% lang tayo. Yun ang sitwasyon, local food production is not enough,” aniya pa.

Bukod sa pandaigdigang Russia-Ukraine war, ang matagal na kapabayaan sa sektor ng agrikultura ay nagdulot din ng problema sa lokal na suplay ng pagkain, ayon kay Dar.

Naglalaan lamang aniya ang Pilipinas ng 1.5% ng budget nito para sa sektor ng agrikultura habang ang ibang bansa ay naglalaan ng 3.5% hanggang 6% ng kanilang budget.

Nakagawa na ng action plan ang Department of Agriculture para tugunan ang epekto ng digmaan sa sektor ng agrikultura, na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ani Dar.

Kaugnay nito, humihiling ang Kagawaran ng P24 bilyong karagdagang budget para sa taong ito, dagdag niya. RNT