Suplay ng pulang sibuyas, sapat – DA

Suplay ng pulang sibuyas, sapat – DA

December 3, 2022 @ 8:13 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Agriculture na sapat ang suplay ng mga pulang sibuyas.

Sa kabila nito, aalamin pa ng ahensya ang dahilan kung bakit grabe ang paglobo ng presyo nito sa mga pamilihan na ang ilan ay umaabot na sa P300 kada kilo.

Ayon kay Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, sapat naman ang suplay ng pulang sibuyas kung ang pagbabasehan ay datos ng Bureau of Plant Industry ngunit posibleng may iba pang dahilan na nagresulta sa posibleng shortage nito.

Sa imbentaryo ng ahensya, sa kasalukuyan ay mayroong 13,000 metriko tonelada ng pulang sibuyas at aabot sa 5,000 metriko tonelada ang inaasahang maaani ng mga magsasaka ngayong buwan.

Nasa 17,000 metriko tonelada naman ang demand sa pulang sibuyas ngayong buwan na ayon kay Evangelista, kung titingnan ay sasapat naman.

“However, we are also looking into — alam naman natin na ang mga consumers natin and institutional buyers na dati white onion ang ginagamit nag-shift sa red onion,” pahayag ni Evangelista sa public briefing.

“Puwedeng affected ngayon ang data pagdating sa demand so that is something also being loooked into ng Bureau of Plant Industry, to see the real supply and sufficiency situation pagdating sa onions,” dagdag nito.

Sa kasalukuyan ay hindi pa nagdedesisyon ang DA kung mag-aangkat ba ng pula at puting sibuyas, na nakaayon pa rin sa rekomendasyon ng Bureau of Plant Industry.

“Ang kanilang gagawin is to find out from our producers, from our onion farmers and to really verify yung kanilang inaasahang harvest para malaman natin yung supply situation natin,” ani Evangelista.

“Ang pumapasok na kailangang tingnan din is yung timing ng importation at volume, ang ating pilit na iniiwasan ay ang pagbaha ng mga imported na sibuyas sa taon na mayroong harvest kaya napaka-importante na accurate ang data na makuha ng Bureau of Plant Industry sa ating stakeholders,” dagdag niya. RNT/JGC