Suplay ng tamban, ‘di kulang –  BFAR

Suplay ng tamban, ‘di kulang –  BFAR

September 5, 2022 @ 2:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Lunes na walang kakulangan sa suplay ng “tamban” sa pamilihan, taliwas sa pahayag ng ilang fishing groups.

Sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na ang sufficiency levels ng tamban dsa una at ikalawang quarter ay pumalo sa mahigit 200% at 400%.

“Unang-una, ito ay isang alegasyon na diumano’y magkukulang ang supply ng tamban… Straightforward natin pong sasabihin wala po tayong kakulangan sa supply ngayon ng tamban,” paglilinaw niya.

Nang tanungin sa ulat ukol sa kakulangan ng tamban sa pamilihan, sinabi ni Briguera na beberipikahin muna ito ng BFAR at iginiit na sapat ang suplay ng isda base sa datos.

Base kay Briguera, maaaring nakaapekto ang masamang panahon kamakailan sa fishing activities na maaaring may epekto sa suplay ng tamban.

Ayon sa ulat batay sa Zamboanga City Fish Broker Association and Southern Philippines Deep Sea Fishing Association Inc., umuunti ang mga mangingisda na pumapalaot dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.

Iniugnay din ang limitadong suplay sa fisheries law na nagbabawal sa commercial fishing vessels sa municipal waters o halos 15 kilometro mula sa coastline hangga’t hindi pinapayagan ng pamahalaan. RNT/SA