Suporta hiling ng SBP sa laban ng Gilas sa Pebrero

Suporta hiling ng SBP sa laban ng Gilas sa Pebrero

January 6, 2023 @ 10:51 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanawagan sa fans ang Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) na suportahan ang laban ang ng Gilas Pilipinas sa ika-anim at huling window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Gaganapin sa Philippine Arena ang laban ng Gilas kontra sa Lebanon sa Pebrero 24 at sa Pebrero 27 naman ay ang laban nila kontra sa Jordan.

Muling maglalaro sa Philippine Arena sa unang pagkakataon ang Gilas matapos ang naganap na kaguluhan nila sa Australia noong Hulyo 2018.

Sisimulan na rin sa Enero 8 ang bentahan ng ticket ng laro kung saan ang pinakamahal na ticket ay nagkakahalaga ng P16,300 habang ang courtside VIP ay nagkakahalaga ng P9,800 at ang pinakamura naman ay nasa P100.

Kahit pasok na ang Gilas bilang isa sa host countries ng World Cup,  nais nilang maiangat ang puwesto sa Group E na mayroong limang panalo at tatlong talo.

Matatandaang noong Agosto 25, 2022 ay tinalo sila ng Lebanon 85-81 habang nagwagi naman sila kontra sa Jordan noong Nobyembre 10 sa score na 74-66.JC