Suporta kay Eleazar mula Hilagang NCR ‘gang Southern Luzon

Suporta kay Eleazar mula Hilagang NCR ‘gang Southern Luzon

April 21, 2022 @ 5:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ngayong halos nasa huling yugto na ang panahon ng pangangampanya, tiniyak ni senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na ang presensya’y dama rin ng mga taga-suporta mula hilagang Metro Manila hanggang Southern Luzon.

Nilibot ni Eleazar ang mga lungsod ng Malabon, Navotas, at Valenzuela nitong Miyerkules (Abril 20), matapos bisitahin ang Batangas noong Martes.

“Taos-puso akong nagpapasalamat sa naguumapaw na suporta ng ating mga kababayan mula sa Batangas hanggang sa Malabon, Navotas at Valenzuela,” ani Eleazar.

“Habang palapit nang palapit ang halalan ay lalo nating pipilitin na maabot ang mas marami nating mga kababayan upang ipakilala ang ating sarili at ipresenta ang ating plataporma,” aniya pa.

Ngayong Huwebes (Abril 21), bumalik si Eleazar sa Calabarzon para mangampanya naman sa Cavite, na una na niyang binisita noong Disyembre 2021 para makipag-diyalogo sa mga taga-suporta.

“Itong pagbaba natin sa mga komunidad ang isang epektibong paraan para direktang malaman ang mga hinaing ng ating mga kababayan. Kahit noong ako ay hepe pa ng PNP, ginagawa ko na ito para kamustahin ang ating mga kapulisan at malaman ang kanilang kalagayan,” ani Eleazar.

“Hanggang ngayon, ito ang ginagamit kong paraan para kumonekta sa mga tao. Habang kausap natin sila ay nalalaman natin kung anong mga problema ang bitbit nila sa araw araw. Kung ako’y pagtitiwalaan ng mga tao, dadalhin ko sa Senado ang laban nila,” pagtitiyak ng Partido Reporma candidate.

Labing-walong araw na lang ang nalalabi bago muling pumili ng mga bagong lider ang milyun-milyong Pilipino sa May 9 national and local elections.

Tumatakbo sa pagka-senador si Eleazar, na nagsilbi nang 38 taon bilang pulis at nakilala sa kanyang “hands-on” na estilo ng pagpapatupad ng batas, mga reporma, at pag-usig sa mga abusadong alagad ng batas. Jan Sinocruz