Suporta sa LGUs tiniyak ng PNP sa bagyong Paeng

Suporta sa LGUs tiniyak ng PNP sa bagyong Paeng

October 29, 2022 @ 1:51 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inatasan na ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng mga police units lalo na ang mga naka-base sa mga lugar na dadaanan ng bagyong Paeng na paigtingin pa ang suporta sa mga local government units (LGUs) sa deployment ng kanilang mga tauhan kaugnay ng disaster response.

Ayon kay Police Col. Redrico Maranan, hepe ng PNP-Public Information Office, nagpapatuloy na sa monitoring ang mga opisyal ng pulisya sa epekto ng bagyo at nakikipag-ugnayan din sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

“Our Chief PNP (Gen. Rodolfo Azurin, Jr) emphasized the need for coordination with the LGUs and the local DRRMOs (Disaster Risk Reduction and Management Office) for strategic deployment of personnel, especially in areas where assistance is needed the most,” pahayag ni Maranan.

Maliban dito, ipinag-utos naman ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin sa mga regional directors na bantayan din ang pamilya ng kanilang mga pulis na maaaring maapektuhan ng bagyong Paeng.

Matatandaan na sinabi ng NDRRMC na umakyat na sa 72 ang bilang ng mga nasawi samantala siyam naman ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Paeng sa bansa. RNT/JGC