Suporta sa same sex union binawi ng Marawi Imam

Suporta sa same sex union binawi ng Marawi Imam

August 15, 2022 @ 10:09 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Binawi ng pangunahing religious leader sa Marawi City ang suporta nito kay Sen. Robinhood Padilla ukol sa inihain niyang panukalang batas sa same-sex union.

Sinabi ni Alim Abdulmajeed Djamla, ang Grand Imam ng Jameo Mindanao Al Islamie (Marawi Grand Mosque), na ang panukala ni Padilla ay “tantamount to disbelief (kufr) which is outside the creed of Islam.”

Bukod sa pagbawi ng suporta, nagpahayag din si Djamla ng malakas na pagkondena sa nasabing panukalang batas.

Matatandaang inihain ni Padilla ang Senate Bill 449 o ang Civil Unions Act, para i-institutionalize ang civil partnerships para sa magkaparehas na kasarian at proteksyon laban sa diskriminasyon para sa naturang mga unyon.

“I regret to inform all Muslims in general and the Muslims in the Philippines that I and those who follow me have withdrawn our support for Senator Robin Padilla and strongly condemn his sponsorship of Same-Sex Marriage Bill in the Senate,” saad sa pahayag ni Djamla sa social media.

“This is based on the doctrine that same-sex marriage is considered immoral by all religions and is forbidden (Haram) under Islamic law,” dagdag pa ng Imam.

Hindi naman kinontra ni Padilla ang mga “paalala” ng ilang grupong Muslim hinggil sa kanyang panukalang batas.

“Sila po ang nakakaalam ng tama at mali sa ating pananampalataya. Kailanman po hindi ko sasalubungin ang kanilang mga pahayag ng pagtutuwid. Bagkus ay nagpapasalamat po ako sa kanilang mga paalala at pahayag. Alhamdulillah jazakum allah khayran,” ani Padilla bilang tugon sa isyu.

Ang panukalang batas ni Padilla ay nagpapahintulot sa magkaparehas na kasarian na makakuha ng wastong lisensya ng unyon at magbigay ng mga karapatan sa mana at pag-aampon.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Padilla na kailangang ibigay ang karapatang pantao at internasyonal na pamantayan sa batas sa magkaparehas na kasarian.

“While the 1987 Constitution does not explicitly mention sexual orientation, gender identity, gender expression, and sex characteristics, it does not prohibit or exclude civil partnership of unions of same-sex couples,” saad sa explanatory note ni Padilla sa panukalang batas. RNT