Supplier patay, 10 arestado sa drug ops

Supplier patay, 10 arestado sa drug ops

September 13, 2022 @ 12:15 PM 2 weeks ago


ZAMBOANGA CITY – Patay ang isang kilalang supplier ng shabu habang 10 ang naaresto sa serye ng buy bust operation ng mga awtoridad, Linggo sa lungsod na ito.

Kinilala ang nasawi na si William Dionisio, 38-anyos habang nadakip ang kasama nitong si Vincent Delos Reyes, 35, kapwa ng Sitio Pinya, Barangay Bungiao, Zamboanga City.

Ayon kay Col. Richard Verceles, operations chief PNP Area Police Command-Western Mindanao, dakong 5:13PM naganap ang operasyon sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpanggap na bibili ng droga ang mga operatiba kay Dionisio subalit naamoy nito na pulis ang kanyang ka-transaksyon.

Agad na pinaputukan ng suspek ang mga pulis at mabilis naman nakaganti ang operatiba at pinaputukan si Dionisio na tinamaan sa dibdib na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang nadaki naman si delos Reyes.

Nakuha sa mga suspek ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000, M2 Carbine rifle, KG 9 9mm pistol, .45-caliber pistol, cellphone, 79 piraso ng tig P1,000 boodle money, at 1 marked monet na P1,000 bill.

Sinabi pa ng pulisya, na bukod sa pagiging supplier ng droga ni Dionisio sa Barangay Bunguiao at mga kalapit na lugar sangkot rin ang suspek sa mga kriminal na aktibidades gaya ng gun-for-hire, robbery-hold up, pangingikil at carnapping.

Kasalukuyan naman nakakulong si delos Reyes, city police headquarters at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Samantala, nadakip rin nitong Sabado ng 4:30 PM ang 9 na suspek na nakuhanan ng 54 gramo ng pinaniniwalaan shabu na aabot sa halagang P367,200 sa drug den na sinalakay sa kahabaan ng Don Toribio Street, Barangay Tetuan, ng naturang lungsod.

Kinilala ni Regional Director Emerson Margate, ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga suspek na sina Saudi Zamora, na siyang nagpapatakbo ng drug dens, dalawa nitong parokyano na sina Jhamar Zamora at Edsel Dennis Macrohon.

Nakuha kina Zamora ang 20 gramo ng shabu na aabot sa halagang P129,200.00.
Makalipas ang 15-minuto, nahuli rin ng pinagsamang operasyon ng elemento ng PDEA ang suspek na si Emil Pakirulla, drug operator at mga parokyano nitong sina Wilson Jetonso, at Arnold Quartocruz.
Narekober kay Parikulla ang 19 na gramo ng shabu na aabot sa halagang P129,000 .

Suod naman naaresto ang mga suspek na sina Roseller Saavedra, Edgardo Bagsic, at Allein Duran na nakuhanan ng 15 gramo ng shabu na aabot sa halagang P102,000.

May kabuuan P775,200.00 halaga ng shabu ang nakumpiska at inihahanda na rin ang kasong isasampa laban sa siyam na suspek./Mary Anne Sapico