Survivorship benefits law para sa mga namatay na prosecutor ikinatuwa ni Win

Survivorship benefits law para sa mga namatay na prosecutor ikinatuwa ni Win

January 17, 2022 @ 7:10 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Pinapuriahan ni Senador Win Gatchalian ang pagiging ganap nang batas ng pagbibigay ng benepisyo sa naiwang lehitimong asawa at mga anak ng mga miyembro ng National Prosecution Service (NPS) at sinabing ang karagdagang pribilehiyong ito ay matagal nang dapat ibinibigay sa mga katulad nilang tapat na naglingkod at naging instrumento sa pagbibigay hustisya sa nangangailangan nito.

“Hindi kailanman matutumbasan ng monetary compensation ang dedikasyon at serbisyo ng public prosecutors ngunit nararapat lamang na bigyan natin ng pagpapahalaga ang mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa serbisyo publiko. Marami sa kanila ay inatasan na humawak ng mabibigat na kaso laban sa mga makapangyarihang tao,” sabi ng senador.

Ayon kay Gatchalian, isa sa may-akda ng Republic Act No. 11643 o “An Act Granting Survivorship Benefits to the Surviving Legitimate Spouse and Dependent Children of a Deceased Retired Member of the National Prosecution Service,” ang batas na ito ay makakadagdag ng kumpiyansa ng mga tagausig na humahawak ng mga mabibigat na kaso at nahaharap sa maraming hamon na maaaring makaimpluwensya sa kanilang ginagampanang tungkulin.

Kamakailan ay nilagdaan ng Pangulo ang RA 11643 na nagpapahintulot sa mga naulilang pamilya ng miyembro ng NPS na kwalipikado na sa optional retirement na makatanggap ng retirement benefits ng namayapang tagausig.

“Bagama’t maaari naman silang mag-abogado sa pribadong kumpanya o maging self-employed, mas pinili nilang maging public prosecutors at maging tinatawag na “gatekeepers of criminal justice” sa bansa. Ito ay isang patunay ng kanilang kabayanihan sa kabila ng mga kinakaharap nilang panganib araw-araw dahil sa kanilang tungkulin,” giit ni Gatchalian.

Saklaw din ng nasabing batas ang mga namatay na miyembro ng NPS isang taon bago maisabatas ito.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, nasa 66 na ang abogadong napatay sa nakalipas na limang taon at 14 sa kanila ay retirado o kasalukuyang prosecutor. Ang ika-66 na abogadong namatay ay si Assistant City Prosecutor Edilberto Mendoza ng Trece Martires, Cavite na binaril ng malapitan sa harap mismo ng kanyang tahanan noong bisperas ng Bagong Taon. Ernie Reyes